14/09/2026
DA-ACPC, Pinalawak ang Credit Assistance para sa mga Magsasaka at Mangingisdang Apektado ng Kalamidad sa Pamamagitan ng Agri-RECOVER program
Ang Department of Agriculture – Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ay nakatakdang ilunsad ang Agricultural Rehabilitation, Emergency Credit, and Operational Viability for Economic Restoration (Agri-RECOVER) Program, isang komprehensibong programa ng pautang na naglalayong magbigay ng agarang tulong pinansyal, magpatatag ng cash flow, at suportahan ang rehabilitasyon ng mga small farmers and fisherfolks (SFF) at mga micro at small enterprise (MSE) na nakikibahagi sa sektor ng agrikultura at apektado ng kalamidad.
Opisyal na inilunsad ang programa ngayong Setyembre 14, 2026, sa Angeles City, Pampanga. Nakibahagi sa paglulunsad ang mga magsasaka ng Pampanga, bilang parte ng Handog ng Pangulo na nagtipon-tipon ng mga ahensya ng pamahalaan upang mapalapit ang mga serbisyo ng gobyerno para sa bawat Pilipino.
Pinagsasama ng Agri-RECOVER program ang emergency financing para sa pang-araw-araw na pangangailangan at muling pagsisimula ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, gayundin ang mga target na credit relief measure para sa mga kasalukuyang borrower kabilang na rin ang mga agri-based MSEs.
Pinalalakas ang Pagbangon sa Pamamagitan ng Mas Abot-kayang Agricultural Credit
Sa pamamagitan ng Agri-RECOVER, layunin ng DA-ACPC na mapabilis ang pagbabalik sa produktibong gawain ng mga komunidad sa agrikultura na apektado ng kalamidad, habang pinoprotektahan ang mga borrower laban sa matinding suliraning pinansyal.
Nagbibigay ang programa ng walang collateral at zero-interest na calamity loan para sa mga kwalipikadong SFFs na maaaring gamitin para sa agarang pangangailangan at muling pagsisimula ng kabuhayan. Naglalaan din ito ng mga mekanismo para sa credit relief, kabilang ang loan restructuring, refinancing, at moratorium, upang matulungan ang mga kasalukuyang borrower na mapanatili ang operasyon ng mga proyektong viable sa kabila ng epekto ng kalamidad at mga hamong pinansyal.
Kabilang din sa programa ang financial literacy at capacity-building interventions upang matulungan ang mga borrower na mas maayos na mapamahalaan ang kanilang pananalapi at magamit nang responsable ang credit. Kabilang na rito ang cash flow at debt management, farm record-keeping, savings management, agricultural insurance protection, at mga pamamaraan kung paano makakaiwas sa fraud at scam.
Apat na Pangunahing Credit Support sa Ilalim ng Agri-RECOVER
Nagbibigay ang Agri-RECOVER ng apat na magkakaugnay na credit intervention na naglalayong maghatid ng agarang tulong, magpagaan ng mga obligasyon sa pagbabayad, at suportahan ang pagbangon at pagpapatuloy ng mga viable na operasyong pang-agrikultura: (1) Calamity Loan, (2) Loan Restructuring, (3) Loan Refinancing, at (4) Loan Moratorium.
Sa ilalim ng Calamity Loan, ang mga SFFs na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at apektado ng opisyal na idineklarang kalamidad o emergency ay maaaring makakuha ng hanggang Php 35,000 na zero-interest at walang collateral, na maaaring bayaran sa loob ng hanggang tatlong taon. Para sa mga kasalukuyang kwalipikadong borrower, maaaring makakuha ng halagang katumbas ng kanilang naipong mga nakaraang bayad, alinsunod sa maximum na Php 35,000.
Para naman sa mga borrower na nakararanas ng suliraning pinansyal ngunit nananatiling viable ang kanilang proyekto, nagbibigay ang Loan Restructuring ng pagkakataong maiangkop ang mga kondisyon ng kanilang pautang batay sa kanilang kapasidad na magbayad. Samantala, ang Loan Refinancing ay nagbibigay ng panibagong puhunan para sa mga proyektong nakararanas ng financial distress ngunit maaari pang maibalik sa operasyon sa pamamagitan ng karagdagang financing at may kakayahang magbayad sa ilalim ng bagong terms.
Ang Loan Moratorium naman ay nagbibigay ng pansamantalang ginhawa sa pagbabayad ng utang nang hanggang isang taon, kapag ito ay na-activate sa pamamagitan ng isang ACPC advisory. Layunin nitong mabigyan ng sapat na panahon ang mga apektadong borrower na ituon ang kanilang resources sa pagbangon bago muling ipagpatuloy ang regular na pagbabayad.
Sa kabuuan, ang apat na component ay nagbibigay ng agarang tulong, debt restructuring, recovery capital, at payment flexibility, upang matugunan ang magkakaibang pangangailangang pinansyal ng mga borrower at masuportahan ang pagpapanumbalik at pagpapatuloy ng kanilang mga kabuhayan at negosyo sa agrikultura.
Pinalalawak ang Credit Support para sa mga Magsasaka, Mangingisda, at Agri-Based Enterprises
Pangunahing target ng programa ang mga SFF at agri-based MSEs na ang kabuhayan o operasyon ay naapektuhan ng kalamidad, emergency declaration, o matinding suliraning pinansyal.
Maaaring ma-avail ng mga bago at kasalukuyang borrower na nakarehistro sa RSBSA ang apat na component ng programa, alinsunod sa mga itinakdang eligibility requirements. Samantala, maaaring makinabang ang mga kasalukuyang MSE borrower ng ACPC sa restructuring, refinancing, at moratorium kung naapektuhan ang kanilang operasyon o nakararanas sila ng suliraning pinansyal habang nananatiling viable ang kanilang proyekto.
Kabilang sa mga kwalipikadong sitwasyon ang mga opisyal na idineklarang kalamidad o emergency na dulot ng mga natural disaster, biological outbreak, peste at sakit ng halaman at hayop, industrial disaster, armadong tunggalian, civil unrest, displacement, at matitinding market disruption na may malaking epekto sa agrikultura at pangisdaan. Maaari ring mapalawig ang credit relief components sa mga kasalukuyang borrower na nakararanas ng financial distress na nagbabanta sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon.
Mas Napalapit na Recovery Assistance sa mga Magsasaka
Ipapatupad ng DA-ACPC ang Agri-RECOVER Program sa pakikipagtulungan sa mga Partner Lending Conduits (PLCs) nito, na binubuo ng mga akreditadong rural bank, cooperative bank, at mga kwalipikadong non-government organization. Pangunahing responsibilidad ng mga PLC ang pagsusuri, pagtukoy, at pagpapatunay sa mga apektadong borrower sa kani-kanilang lugar ng operasyon. Susuportahan sila ng DA Regional Field Offices at local government units sa pamamagitan ng mga kaugnay na disaster declaration, damage assessment report, at validated RSBSA list.
Maaaring direktang mag-apply ang mga interesadong aplikante sa mga accredited PLCs ng DA-ACPC at sasailalim sa kaukulang assessment at validation process batay sa mga alituntunin ng Agri-RECOVER.
Sa pamamagitan ng mas pinalakas na ugnayan ng mga katuwang na ahensya ng pamahalaan at mga institusyong pinansyal, layunin ng DA-ACPC na matiyak ang epektibo at napapanahong paghahatid ng credit assistance sa mga komunidad ng agrikultura, lalo na sa mga nahaharap sa mga krisis na nagbabanta sa kanilang kabuhayan.
Patuloy na Suporta para sa mga Magsasaka
Binibigyang-diin ng Agri-RECOVER ang patuloy na pangako ng DA-ACPC na palakasin ang isang responsive, accessible, at sustainable na agricultural credit system na tumutugon sa nagbabagong pangangailangan ng mga Pilipinong magsasaka, mangingisda, at mga negosyong nakabatay sa agrikultura.
“Hindi na lamang simpleng pagtawid sa krisis o pangunahing survival ang ating layunin,” ika ni DA Undersecretary for Operations, Agri Fisheries Mechanization and Rural Credit Roger V. Navarro sa kanyang mensahe sa opisyal na launch. “Itinataas natin ito tungo sa isang buo at holistic na modelo ng rehabilitasyon. Para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na nasalanta ang agri-fishery project at business sa baha at iba pang kalamidad, binuo natin ang Agri-RECOVER upang maging isang matibay na baluti at katuwang sa bawat hakbang ng inyong pag-ahon.”
Sa pamamagitan ng pagsasama ng emergency financing, credit relief, rehabilitation support, at financial capability-building, nag-aalok ang programa ng komprehensibong pamamaraan upang matulungan ang mga apektadong borrower na pamahalaan ang mga suliraning pinansyal, maibalik ang kanilang viable na operasyon, at mapatatag ang kanilang kakayahang makabangon mula sa mga susunod na hamon.
Sa ilalim ng Agri-RECOVER, patuloy na isinusulong ng DA-ACPC ang abot-kaya at responsableng credit bilang mahalagang instrumento para sa agricultural recovery, pangangalaga sa kabuhayan, at food security, partikular para sa mga komunidad na nakararanas ng epekto ng kalamidad at iba pang emergency.
-RECOVER