12/06/2026
PAHAYAG NG KAISA KA SA IKA-128 ANIBERSARYO NG ARAW NG KASARINLAN
"Hangga't hindi malaya ang kababaihan, hindi pa malaya ang bayan."
Sa paggunita sa deklarasyon ng kasarinlan, binibigyang-pugay ng KAISA KA ang mga bayaning nag-alay ng buhay laban sa kolonyal na paghahari. Ngunit ang Hunyo 12 ay hindi lamang araw ng pag-alala—ito ay araw ng pagsusuri. Tunay bang malaya ang sambayanang Pilipino?
Sa gitna ng lumalalim na krisis, mataas na presyo ng pagkain, kawalan ng disenteng trabaho, at talamak na kahirapan, malinaw na ang pangarap na isang maunlad at makatarungang lipunan ay hindi pa ganap na natutupad.
Sa umuusbong na tensyon ng mga makapangyarihang bansa sa mundo, nananatiling bulnerable ang Pilipinas sa mga patakarang mas pabor sa dayuhang interes kaysa sa sarili nating mamamayan.
Bilang organisasyon ng kababaihan, nakikita naming pinakamabigat ang epekto ng krisis na ito sa kanila. Ang kababaihan ang unang humaharap sa gutom sa loob ng tahanan, naghahati ng kakarampot na kita, at nag-aalaga sa pamilya kapag kulang ang serbisyong pampubliko.
Dito nag-uugat ang Tatlong Sapin ng Pang-aapi sa kababaihan:
Bilang Mamamayan: Nakagapos sa dominasyon ng dayuhang interes sa ekonomiya at seguridad.
Bilang Sektor na Pinagsasamantalahan: Biktima ng sistemang nakasentro sa tubo at hindi sa tao.
Bilang Babae: Patuloy na dumaranas ng patriyarkal na diskriminasyon.
Kaya para sa KAISA KA, ang laban para sa kababaihan ay hindi maihihiwalay sa laban para sa pambansang soberanya at katarungang panlipunan. Nananawagan kami para sa isang Pilipinas na may kakayahang pakainin ang sarili, pinoprotektahan ang lokal na magsasaka at mangingisda, at may gobyernong may pananagutan sa bayan.
Hindi lamang biktima ang kababaihan; sila ay tagapaglikha ng kasaysayan! Ngayong Hunyo 12, magkaisa tayo! Ipagtanggol ang katotohanan, tutulan ang korapsyon, at isulong ang karapatan sa pagkain, disenteng sahod, at tunay na pagkakapantay-pantay.
Hangga't may nagugutom, may inaapi, at may pinatatahimik, hindi pa tapos ang laban para sa kalayaan!
Mabuhay ang kababaihan! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!