22/08/2026
Fabellans, Nakibahagi sa Forum Ukol sa Responsableng Paggamit ng Media
Lumahok ang mga batang mamamahayag (JFMS Journalist) at opisyal ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG) ng Jose Fabella Memorial School sa forum na may temang βTruth in Media: A Shared Responsibilityβ nitong Sabado, Agosto 22, sa Centennial Auditorium ng Jose Rizal University upang higit na maihanda ang kabataan sa mapanuri at responsableng paggamit ng impormasyon at social media.
Inorganisa ng Lingap Angat, sa pamumuno ni Gng. Lot Ortiz, katuwang ang Jose Rizal University at ang Tanggapan ng Sangay ng mga Paaralan sa Lungsod ng Mandaluyong, ang forum na nakatuon sa kahalagahan ng wastong paggamit at pagsusuri ng impormasyon sa gitna ng patuloy na paglaganap ng maling impormasyon. Kabilang sa mga naging tagapagsalita sina human rights lawyer na si Atty. Dino De Leon, award-winning broadcast journalist na si G. Christian Esguerra, at social media influencer na si G. Gabe Pineda.
Sa ginanap na talakayan, binigyang-diin ng mga tagapagsalita na ang pagtataguyod ng katotohanan ay pananagutan ng bawat mamamayan, lalo na ng kabataang aktibong gumagamit ng social media. Binanggit din nila ang kahalagahan ng panunuri at paglaban sa mga trolls, gayundin ang paalala na hindi natatapos sa online na plataporma ang responsibilidad ng bawat isa hangga't walang aktwal na pagbabagong nagaganap sa lipunan at hangga't mayroong inaasahang katiting na pag-asa para sa hinaharap. Isinagawa ang aktibidad mula ika-9:00 ng umaga hanggang ika-12:00 ng tanghali, na naglalayong mahubog ang mga kabataan bilang mapanuri at responsableng tagapagbahagi ng impormasyon.
Sa bahagi naman ng mga mensahe ng mga tagapagsalita, tinukoy din nila ang mahalagang papel ng kabataan hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa mga susunod na taon, partikular na sa pagpili ng mga susunod na lider at mamumuno sa bansa. Ayon sa kanila, ang kabataan ang may hawak ng mahalagang boto na magiging daan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa, kaya't mahalagang maging mulat at mapanuri ang bawat batang botante sa oras ng pagpapasya.
-AsaNgBayanNgayon
βοΈ Jhemar Barde
πΈ Michelle Costillas, Ralph Prudencio, Leigh Jasmine Palomaria