05/05/2026
DALAWANG PANGANGANAK, AGARANG RINESPUNDIHAN NG PULIS; INA AT SANGGOL LIGTAS
Dalawang magkahiwalay na insidente ng panganganak ang agad na naagapan ng kapulisan sa Albay at Pangasinan, na muling nagpakita ng malasakit at kahandaan ng Philippine National Police sa oras ng emergency.
Sa Rapu-Rapu, Albay, bandang alas-2:30 ng hapon noong Mayo 2, 2026, rumesponde ang mga tauhan ng Rapu-Rapu Municipal Police Station matapos makatanggap ng tawag na may buntis na nanganganak habang sakay ng motorbanca sa gitna ng dagat.
Sa aktuwal na sitwasyon, inabutan na ng panganganak ang ginang, at dito naipakita ang kahandaan ni PCpl Rachelle Dondonilla, isang pulis at lisensyadong nurse, na maingat na tumulong upang masigurong ligtas ang ina at sanggol bago sila isinugod sa ospital. Ligtas ang mag-ina sa kasalukuyan.
Samantala, sa San Jacinto, Pangasinan noong Mayo 3, 2026, isang babaeng nasa aktibong naglalabor ang humingi ng tulong sa himpilan ng pulisya. Dahil sa mabilis na aksyon ng mga tauhan ng San Jacinto MPS, naipanganak ang sanggol sa isang tricycle sa harap mismo ng istasyon. Agad ding isinunod sa pangangalaga ng rural health unit ang mag-ina para sa karagdagang gamutan. Ligtas ang mag-ina.
Pinuri ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga tauhan sa kanilang mabilis at makataong aksyon.
“Ito ang uri ng serbisyo na inaasahan ng ating mga kababayan—handa, maaasahan, at may malasakit. Hindi lang ito tungkol sa tungkulin, kundi sa tunay na paglingap sa kapwa,” ani PGen Nartatez.
Dagdag pa niya, “Sa ganitong mga pagkakataon, naipapakita natin na ang pulis ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas, kundi katuwang sa pagligtas ng buhay.”
Ang insidenteng ito ay patunay na sa oras ng pangangailangan, maaasahan ang kapulisan—kahit sa gitna ng dagat, walang inuurungan pagdating sa serbisyo.
Patuloy na isinusulong ng PNP ang adhikaing Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, sa pamamagitan ng mga gawaing tunay na sumasalamin sa malasakit at dedikasyon sa sambayanan.
(PNP-PIO)