08/09/2026
Mamburao Uunahin ang Lokal na Baboy Bago Mag-angkat sa Karatig-Lugar
MAMBURAO, Occidental Mindoro — Uunahin ng Pamahalaang Bayan ng Mamburao ang suplay mula sa mga lokal na hog raisers bago kumuha ng baboy mula sa ibang bayan o lalawigan sa layuning suportahan ang lokal na industriya at maiwasan ang pagpasok muli ng African swine fever (ASF).
Batay sa update ni Mayor Atty. E-K Almero, ito ang napagkasunduan sa pagpupulong ng “Task Force Bantay Karne” at “Bantay ASF,” alinsunod din sa bagong Executive Order na inilabas ni Occidental Mindoro Gov. Ed Gadiano.
Ayon kay Mayor Almero, kailangan munang maubos ang supply mula sa Mamburao bago kumuha sa mga karatig-bayan, basta ASF-free ang pinanggalingan. Ang pagkuha mula sa Oriental Mindoro ay isasagawa lamang kung hindi na kayang tugunan ng suplay mula sa Occidental Mindoro ang araw-araw na pangangailangan ng mga mamimili.
“Local Hog Raisers muna natin ang uunahin bago ang iba,” aniya.
Hinimok din ni Mayor Almero ang mga hog raisers na ipatala sa Municipal Veterinarian Office ang kanilang mga alagang baboy, projected slaughter dates at iba pang datos upang matantiya kung sapat ang lokal na suplay para sa pangangailangan ng merkado.
Kasabay nito, ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang paghuli sa mga frozen meat products na walang kaukulang dokumento.
“Hindi po natin pinipigilan kayo mag-negosyo, ilagay niyo lang po sa legal,” ani Mayor Almero, na binigyang-diin ang panganib na muling makapasok ang ASF sa bayan.
Hinimok din ang publiko na bumili ng karne sa mga opisyal na pamilihan at maging mapagmatyag sa mga produktong walang malinaw na dokumentasyon.
Inaasahang ilalabas ng Pamahalaang Bayan ang sarili nitong Executive Order sa mga susunod na araw.