08/01/2026
DRIVER NA LASING, LIGTAS NA INIHATID NG PULIS SA KANYANG TAHANAN
Hindi araw-araw makikita sa kalsada ang ganitong eksena: isang lasing na drayber ng tricycle at isang pulis na, sa halip na magmulta, siya mismo ang nagmaneho upang maiuwi nang ligtas ang drayber. Ganito ang nangyari noong Enero 2, 2026 nang dalawang pulis ng Baler Municipal Police Station ang tumulong sa drayber at dinala siya nang ligtas sa kanyang tahanan sa Sitio Tabon, Barangay Buhangin.
Ipinapakita ng Philippine National Police na ang serbisyo ay higit pa sa pagpapatupad ng batas—ito rin ay tungkol sa pangangalaga sa mamamayan. Matapos mapansin nina Police Staff Sergeant Alvin I. De Guzman at Police Chief Master Sergeant Geoffrey A. Bolante ang tricycle na mabagal na bumibiyahe sa gitna ng kalsada, nilapitan nila ang drayber at natukoy na ito ay lasing.
Sa halip na magbigay ng multa, si PCMS Bolante ang humawak ng manibela at sinigurong ligtas ang drayber hanggang sa kanyang bahay. Sa pangyayaring ito, malinaw na nakikita ang kahalagahan ng Enhanced Managing Police Operations, kung saan ang mabilis at maayos na pagtugon sa mga insidente ay nakatutok sa kaligtasan at kaayusan ng publiko.
“Ang layunin natin ay hindi lamang parusahan ang nagkakamali kundi tiyakin na ligtas pauwi ang bawat mamamayan,” ani PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. “Kahit simpleng pagtulong, malaking bagay ito sa buhay at kaligtasan ng tao.”
Dagdag niya, “Nakakatuwang makita ang dedikasyon ng ating mga opisyal na handang tumulong sa kahit anong sitwasyon. Ipinapakita nito na ang pulisya ay laging nariyan para sa komunidad.”
Ipininaalala ng awtoridad sa publiko na ang pagmamaneho habang lasing o nasa impluwensya ng droga ay ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 10586, o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013. Para sa simpleng paglabag, maaaring patawan ng multa mula P20,000 hanggang P80,000 at pagkakakulong ng hanggang tatlong buwan. Mas mabigat ang parusa kung magdudulot ito ng pinsala o kamatayan, kabilang ang multa hanggang P500,000 at pagkakakulong alinsunod sa Revised Penal Code. Maaaring masuspinde o bawiin ang lisensya, at ang mga paulit-ulit na lumalabag ay maaaring tuluyang mawalan ng karapatang magmaneho.
Sa bawat kilos at desisyon ng pulisya, malinaw na pinapakita ang diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas—serbisyong mabilis, tapat, at ramdam ng bawat mamamayan.