03/06/2026
KASAYSAYAN NG BARANGAY SOA
( BARANGAY HISTORY OF SOA)
HEOGRAPIYA, PISIKAL AT TOPOGRAPIYANG KASAYSAYAN
Mula sa Bayan ng Malinao, Probinsya Albay, sa kanlurang bahagi nito ay matatagpuan ang isang masagana, pinagpala at mayaman sa mga natural na pinagkukunang yaman, tanawin at mga produktong pang-kabuhayan. Sa timog na bahagi at paanan naman ng Bundok ng Malinao, silangan ng Bundok Masaraga-ito matatagpuan. Tinawag ang pamayanang ito na Barangay Soa.
Ang kasaysayan ng Barangay Soa ay alinsunod sa mga kwento ng mga ninuno at piling pinaka-matatanda na naninirahan sa pamayanan. Sila ang nagbigay patunay at saksi sa mga pangyayaring naganap, pagbabago, pag-unlad at maging pagbagsak ng pamayanan ng Soa.
Saan nagsimula ang Barangay Soa? Paano naging isang Barangay at pinangalanan itong Soa? Sinu-sino ang mga nasa likod ng bawat kwento ng Barangay na ito?
Ang Heograpiya ng barangay sa kasalukuyan ay gaya ng hugis gasuklay na buwan na hinuhulma ng isang makitid at matulin na agos ng mala kristral na tubig na bumabaybay mula sa paanan ng mga bundok na nasambit. Ito ay tinawag na Ilog Quinale dahil umaagos ang tubig nito sa gitna ng mga kabundukan na humihiwalay sa dalawang munisipyo, ang Tabaco at Malinao. Mayaman sa mga isda, alimango, hipon, suso palakang bukid at iba pang mga lamang tubig ang lugar. Isa itong pinagkukunang ikanabubuhay ng mga taga rito-ang paghuli ng mga lamang tubig bilang pagkain nila.
Simula sa timog patungong silangan, hanggang hilaga ng mapa ng barangay ay kumukurba ang lupaing sakop nito. Sariwa, malamig at malinis na hangin ang malalanghap mula sa mga kagubatan na sakop nito. Saganang ikabubuhay mula sa mga pang agrikulturang pangkabuhayan. Sagana rin ang kumunidad sa produkto ng kagubatan na kadalasa’y ikinabubuhay rin ng ilang mga taga rito. Mula noon hanggang sa kasalukuyan ay hindi gaanong nagbago at hindi naging madamot ang kalikasan sapagbibigay ng kabuhayan sa mga mamamayan nito.
Mayaman ang lugar na ito sa turismo at magagandang tanawin na hanggang sa kasalukuyan ay dinarayo ng turistang local at mga banyaga. Pinagkukunan ito sa ngayon ng barangay bilang isa sa mga pinagkukunang kita para pataasin ang National Tax Allotment (NTA) na dating tinatawag na Internal Revenue Alotment (IRA).
Matatagpuan dito ang isa sa pinagmamalaki ng Probinsya ng Albay, bayan ng Malinao at lalo na ng barangay ang pinaka sikat na talon sa Albay-ito ang VERA FALLS. Sa sobrang lamig at linis ng tubig na nagmumula sa loob ng mga biyak ng naglalakihang bato, ang bumabagsak na tubig mula sa itaas ng talon ang mas lalong nagbigay ng kaaya-ayang ganda at kahalihalinang tanawin -ang umaanyaya upang balikbalikan ng mga turista ang lugar kahit na ito ay nasa mataas at dulong bahagi na ng lupaing sakop ng barangay. Ang katawagan na VERA FALLS sa talong ito ay alinsunod sa pangalan ng paring nag-inagura sa talon noong 1992 na si Rev. Fr. Jose Vicente Vera.
Ang makapigil hiningang adbentura sa gitna ng malakas na agos ng tubig sa ilog ng Quinale ay bukod tangi lamang sa Probinsya ng Albay na matatagpuan dito- ito ay ang WATER EXTREME TUBING. Sumasakay dito ang turista sa loob ng mga pinagtagpi-tagping gulong ng sasakyan. Sumasabay ito sa malakas na agos ng tubig sa ilog hanggang makarating sa dulong paroroonan ng adbentura.
Marami din dito ang nagsasagawa ng Mountain Climbing. Pinapasok nito ang masukal at matatarik na kabundukan ng barangay. Sila ang mga tumutuklas sa mga bagay, hayop at mga halaman na matatagpuan dito para pakinabangan sa hinaharap.
Marahil napakayaman noon ng barangay na magpahanggang sa ngayon ay pinagyayabong pa ng mga taga rito ang kayamanang taglay nito. Ngunit anu nga ba talaga ang totoong kwento sa likod sa mga lumipas na panahon ng pamayanan?
Ang barangay Soa bago pa man nakilala ng mga tao sa kasalukuyang panahon ay dumaan ito sa masalimoot na kwento mula sa mga nagnanais mamuno rito- mga lipun ng sandatahan tulad ng hapon, kastila, ribelde at iba pang dayuhang sandatahan. Hanggang sa muling sumibol ang bukang-liwayway ng pag-asa at pagbabago sa pamayanan.
Nagsimula noong panahon ng Kastila ang pagkilala sa Barangay Soa. Noong 1840 na yaon ay sakop parin ng malaking bahagi ng Barangay Ogob ang lupain ng Soa. Sa madaling salita, ito ay bahagi at pinamumunuan parin ng barangay Ogob hanggang sa pagdating ng mga kastila. Ang BARANGAY SOA ay alin-sunod sa katawagan ng mga Kastila noon na Hacienda De Kastila na plantasyon ng SUHA o kalamansi. Dito matatagpuan ang taniman ng kalamansi noon na pagmamay-ari ng mga kastila. Kaya isang araw may mga bumisitang iba pang mga kastila sa lugar ngunit hindi nila alam ang pangalan ng lugar, kaya nagtanong sila sa mga mamamayan ng barangay Ogob kung saan matatagpuan ang lugar at itinuro ang lokasyon ng taniman ng kalamansi. Kaya mula noon tawag na ng kastila sa lugar ay “MASUHA” na kinalaunan ay naging Barangay Soa – ito ay opisyal naman na ipinangalan ni Acjuaquin Soluaga Kare na noo’y mayor ng Bayan ng Malinao at dito nagpatuloy ang kasaysayan ng Barangay Soa. Hanggang sa kasalukuyan ay rehistrado ang lahat ng lupain nito sa barangay Ogob. Ipinagdiriwang naman ang kapistahan ni Nuestra Seniora de Santa Lourdes sa lugar tuwing ika labing isa ng Pebrero. Ang lugar ay sumasakop ng 423 na hektarya ng lupain at nakapaloob dito ang mgta lupang sakahan, palayan, at kabundukan.
Sa panahon naman na makapag sariling pamayanan na ang Soa noong 1930 ng isagawa ang kaunaunahang cadastral survey, Sakop naman nito ang noon ay Igot at sa kasalukuyan ay isa na rin sa mga Barangay ng Lungsod ng Tabaco na humiwalay na rin sa Soa mula ng pumasok ang pamayanan at lupain nito sa Cadastral na isinagawa, at ito ay tinawag na sa ngayon na Barangay Sua-Igot. Sakop din ng barangay Soa ang sitio Anislag na ngayon ay ang purok 1 at Purok 2 ng barangay. Ang Sitio anislag ay nabuo din dahil gusto ng mga mamayan dito na magkaroon na din ng sariling barangay ngunit hindi nangyari dahil kulang ito sa bilang ng tao. Ito rin ay dahil sa hindi pagkakasundo ng Kapitan de Barangay na si Regino Capuz at ng Kabu o presidente ng lahat ng purok ng Soa na si Santiago Cao. Kaya ginawa ng mga taga Anislag ay nagtayo ng sariling simbahan, ang Nuestra Seniora de Salvacion na mula pa sa Tiwi Albay. Pinamunuan ito ni Santiago Cao, Pedro Boncolmo, Pedro Barcenas, Anastacio at Felisiana Balino, at Santos at Reymonda Borromeo. Isinasagawa dito ang piesta tuwing ikalawang Linggo ng Buwan ng Oktobre. Nag bigay din ng pangalan bilang sitio AMISLAG ay si Consuelo Kare na mayor noon ng Bayan ng Malinao.
Binubuo ang buong barangay ng pitong purok, ang purok 1 at purok 2 na sumasakop sa sitio Anislag at purok 3 hanggang purok 7 para sa kalakhang Soa. Mayaman ang barangay sa Prudukto ng Abaka, Nyog, saging at mga prutas at gulay.
KASAYSAYANG POLITIKAL
Sa panahon ng kasarinlan ng barangay ay may tumayo at inilagay sa posisyon upang mamuno at pangalagaan ang karapatan, ari-arian, at kapakanan ng bawat mamayan. Nag lagay ng pamahalaang local at inihalal ang mga karapatdapat mamuno sa barangay at para pag-ibayuhin ang natatanging kagandahan ng lugar. Sila ang nakikipaglaban sa Karapatan para sa mga mamamayan nito , tagapag-taguyod ng kaayusan at tagapagpatupad mg mga alintuntunin para sa barangay.
Nagsimula ang pumumuno sa barangay na ito kay CABESA DE BARANGAY ANSELMO CASIL ang kinagisnan na lider ng Soa noong panahon ng kastila. Walang sahod o honoraria noon ang mga namumuno at tanging libreng serbisyo lamang ang binibigay. Sinundan ito TINIENTE BLAS BRISTOL na naging isa ring matatag na lider ng pamayanang ito.Dito na rin naiba ang tawag sa namumuno sa barangay. Sumunod na namuno rito ay si KAPITAN MAGNO CAO, di na rin nagsimula ang magpasahanggang ngayon ay minsang itinatawag pa sa pinuno ng barangay. Sunod na umupo naman bilang kapitan ay si KAPITAN REGINO CAPUZ, maayos ang naging pamumuno nito sa barangay hindi nito tinapos ang termino biling Kapitan ng Barangay dahil wala sa mga panahon noon ang magbigay ng termino ang local na pamahalaan maging sa mga nauna pang pamumuno, kaya naman naging pamalit nya noon sa pwesto ay si KAPITAN SALOSTIANO CENETA na nooy nahalal bilang pangalawang Kagawad ng barangay. Sa panahaon din noon ay inihahalal ng taong bayan ay lahat mga Kagawad lamang kaya’t kung sinuman ang manguna sa Kagawad ay siya ring uupo bilang Kapitan. Sunod naman na naging kapitan ng barangay ay si KAPITAN EDWIN CAO isa rin sa mga magagaling na naging pinuno ng barangay. Dito na nagbigay ng tatlong taong termino ang bawat mamumuno at tatlong beses lng din mahahalal ayun sa batasang pambansang local. Matapos namn ang pagupo niya sa pagiging Kapitan ay sinundan naman ito ni KAPITAN EDUARDO CAPUZ dito na nabuksan ang mga kalsada, patubig sa mga bahay para sa kanilang inumin at iba pang mga proyektong pangpamayanan. May roon na rin silang honorariang natatanggap mula sa gobyerno at may piton a rin ang kagawad na inihahalal dito. Matapos ang mga kapitan ay sumunod na namuno noon sa PUNONG BARANGAY SALVADOR CANEO isa rin sa mga pinuno na nagpaunlad ng barangay at di na rin nabago ulit ang tawag sa namumuno at tuloy-tuloy hanggang sa kasalukuyang katawagan. Sumunod na namuno ay si PUNONG BARANGAY PEDRO CASAIS tinalo nito sa halalan ang noo’y pinuno ngunit isang termino lang sya naupo sa posisyon. Sumunod na halalan ay tinalo naman sya ni PUNONG BARANGAY SALVADOR CANEO, naupo ulit sya at namuno sa loob ng limang taon. Sumonod na halalan ay bumaba na sya sa pwesto at di na lumaban pa bilang punong barangay kaya sumunod sa kanya ay si PUNONG BARANGAY NONELON CASAIS, sya ang nagpatuloy ng mga gawaing inprastrakyura, pag-unlad, at maayos na pamumuno. Hanggang sa kasalukuyan ay sya parin ang namumuno sa barangay.
POLITIKAL NA KASAYSAYAN NG KABATAAN NG SOA
Wika ni Dr. Jose Rizal na ang Kabataan ang pag-asa ng bayan, kaya naman marami sa kumunidad na ito ang naglayong magsilbi sa mga kabataan ng barangay ng walang iniisisp na kapalit. Mga lider na nagtaguyod at nagpalago sa usaping kabataan. Mga Programang makatutulong sa pagpapaunlad ng kalidad ng eduksayon, palakasan, kultura, at pananaw para sa kinabukasan. Unang nanungkulan noon bilang lider ng kabataan si Alberto Serrano taong 1970-bumuo ng mga pangkat ng kabataan para pagtibayin ang Samahan ng mga kabataan at magkaroon ng mga programang pangkabataan. Sentro ng kanilang adhikain ang pagtataguyod sa relihiyong katoliko para sa kabataan at pagalam sa mga pangangailangan ng kabataan. Sumunod na ang pagkakaroon ng batas na itayo sa bansa ang Kabataang Barangay unang nahalal dito ay si Fraklin Bristol noong 1976 at nanungkulan sa kabataan ng barangay. Sunod na nahalal ay si Rico C. Cerdiño na marami ding ipinatupad na mga programa sa kabataan at prayoridad nito ang kalinisan at edukasyon. Sumunod naman dito ay si Nolito Caneo na sinundan naman ni Alicia C. Sagcelo na nagbigay sa mga kabataan ng maganda at matalinong pamumuno maayos na programang pangkabataan at esport. Sunod na nahalal si Eduardo Borromeo na nagsumite agad ng pagbaba sa pwesto makalipas ang isang taon at humalili dito si Jojie Casais na nooy unang SK kagawad nya. Sumunod naman na nanungkulan sa kabataan ay si Lourdes Caneo na marami ring itinaguyod para sa kabataan ng barangay. Sinundan ito ni Rhea Sagcelo na nanguna sa programang pangkabataan, esport,cultural activities at mga tree planting activity. Pagkatapos ng termino niya ay nawala ang halalan para sa kabataan, inalis ito ng gobyern0 ngunit nagpahalal ang DILG ng mamumuno pansamantala sa kabataan at nahalal ang inyong likod William C. Serrano bilang pangulo sa dalawang asosasyon ng Kabataan- ang Pagasa Youth Association of the Philippines(PYAP) at ng Soa Youth Task Force at naglingkod sa kabataan ng limang taon bilang pangulo mula 2014-2016.Binuksan ulit ng gobyerno ang halalan sa Kabataan noong 2018 at nahalal muli si William C. Serrano bilang SK Chairperson at una sa kasaysayang ng barangay na walang katungali sa posisyon kung kayat awtomatikong panalo sa eleksyon.Namuno sya sa loob ng limang taon sa Kanbataan at tinutukan ang edukasyon, kalusugan,palakasan at kultural. Isa sya sa nagpursige na magkaroon ng Mataas na Paaralan ang Soa at nangyari nga sa tulong ni Punong Barangay Nonelon Casais.Napakaraming programa ang inilunsad nito sa Kabataan at Itinatag nya ang Kauna-unahang Ka-Alsuman Festival ng Barangay. Sumunod na naupo si Jhon Ivan R. Ceneta hanggang sa kasalukuyan.
AUTHOR:
HON. WILLIAM CAO SERRANO- Barangay Kagawad
RESOURCE PERSON:
SANTIAGO C. CAO - Centennial / VETERANS
REGINA C. BALASE- VETERANS
EDUARDO D. CAPUZ – FORMER KAPITAN