02/10/2026
𝐋𝐓𝐎, 𝐈𝐑𝐄-𝐑𝐄𝐕𝐎𝐊𝐄 𝐀𝐍𝐆 𝐋𝐈𝐒𝐄𝐍𝐒𝐘𝐀 𝐍𝐆 𝐌𝐎𝐓𝐎𝐑𝐈𝐒𝐓𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐆𝐋𝐀𝐋𝐀𝐆𝐀𝐘 𝐒𝐀 𝐏𝐄𝐃𝐄𝐒𝐓𝐑𝐈𝐀𝐍 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐍𝐆𝐀𝐍𝐈𝐁
Naglabas ang Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ng Memorandum No. MVL-2026-229 na naglalaman ng mga panuntunan para sa mas maayos na imbestigasyon at disposisyon ng mga kasong may kinalaman sa mga pedestrian, bilang bahagi ng pagpapaigting ng proteksyon sa buhay at kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada.
Ayon sa Memorandum, kapag may sapat na dahilan upang maniwalang ang paggamit o pagpapatakbo ng isang sasakyan ay nagdulot ng panganib sa publiko, partikular kung may pedestrian na nalagay sa panganib ng kamatayan, pagkasugat o malubhang pinsala, kinakailangang agad na idokumento, imbestigahan at aksyunan ng kinauukulang investigating office o unit ang kaso, alinsunod sa umiiral na administrative investigation procedures.
Sa ganitong pagkakataon, maaaring ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang sangkot na motorista sa ilalim ng Section 27(a) ng Republic Act No. 4136, na maaaring maging batayan sa tuluyang pagbawi o pag-revoke ng kanyang driver’s license, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin at pagsunod sa due process.
Sa ilalim ng Memorandum, tanging mga insidenteng nagaganap sa designated crossing o pedestrian lane ang saklaw nito, kung saan ang mga pedestrian ay maaaring tumawid, tumayo o lumakad. Kabilang sa itinuturing na pedestrian ang mga taong naglalakad o tumatawid sa mga naturang lugar, kabilang ang mga bata, senior citizens, persons with disability (PWD), gayundin ang mga gumagamit ng wheelchair, saklay, tungkod, walker at iba pang mobility device.
Saklaw din nito ang mga taong nagtutulak o humihila ng stroller, kariton, o iba pang non-motorized conveyance, mga taong kakababa lamang o sasakay pa lamang ng sasakyan, gayundin ang mga traffic enforcer, road worker, at iba pang awtorisadong gumaganap ng tungkulin habang nasa kalsada o pedestrian lane.
Bagama't layunin ng Memorandum na higit na maprotektahan ang mga pedestrian, isinasaalang-alang pa rin sa pagsusuri ng bawat insidente ang naging kilos o paggawi ng pedestrian, gayundin ang iba pang mga pangyayari na may kaugnayan sa insidente. Sa ganitong paraan, natitiyak na ang magiging aksyon ng ahensya ay nakabatay sa kabuuang resulta ng imbestigasyon at naaayon sa due process.
“Sa mga sunod-sunod na insidenteng kinasasangkutan ng mga pedestrian, mas kailangan nating maging malinaw at mahigpit sa pagtugon sa mga ganitong kaso. Hindi lang ito tungkol sa pagresolba ng isang insidente, kundi sa pagtiyak na napoprotektahan natin ang buhay at kaligtasan ng mga pedestrian. Kaya mahalagang may malinaw na proseso sa imbestigasyon at pananagutan ng mga mapatutunayang lumabag,” ayon kay Asec. Lacanilao.
Mahalagang paalala sa lahat ng motorista na pairalin ang pag-iingat at disiplina sa pagmamaneho, lalo n sa mga lugar na maraming pedestrian at may pedestrian lane. Ang pagbibigay-daan at maingat na pagmamaneho ay mahalaga upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng pinsala o pagkawala ng buhay.