22/03/2026
https://www.facebook.com/share/p/1GyCKgCEWr/?mibextid=wwXIfr
BATAS KONTRA KARAHASAN SA MGA KABABAIHAN SA POLITIKA, ISINULONG NG LIBERAL PARTY LAWMAKERS, IBA PANG MGA MAMBABATAS
Sa pangunguna ni ML Partylist Representative Leila de Lima at 41 mambabatas mula sa Liberal Party at iba pang mga partido at sektor, inihain sa Kamara ang House Bill No. 8393 o ang “Prevention of Violence Against Women in Politics (VAWP) Act.” Layunin ng panukalang batas na ito na wakasan ang iba’t ibang anyo ng karahasan, diskriminasyon, at panggigipit na nararanasan ng mga kababaihan sa larangan ng politika at serbisyo publiko.
Bukod kay De Lima, kabilang sa mga may-akda mula sa Partido Liberal sina Rep. Ian Amatong. Rep. Kaka Bag-ao, Rep. Egay Erice, Rep. Jaime Fresnedi, Rep. Krisel Lagman, at Rep. Boy Umali.
Ayon sa mga nagsusulong ng panukala, bagama’t mayroon nang mga batas na nagpoprotekta sa karapatan ng kababaihan, nananatiling limitado ang saklaw nito pagdating sa gender-based violence sa politika, kabilang ang harassment, pananakot, diskriminasyon, at coordinated online abuse laban sa mga babaeng lider.
Sa ilalim ng panukala, malinaw na tutukuyin at gagawing krimen ang Violence Against Women in Politics, magtatatag ng mga mekanismo sa proteksyon at pag-uulat sa pamamagitan ng COMELEC, at hihikayatin ang mga political party na magpatupad ng mga patakaran laban sa gender-based political violence. Layunin din nitong maging accountable ang mga digital platform sa pagtugon sa mga organisadong online harassment at disinformation laban sa mga kababaihan sa politika.
Nagpasalamat si ML Partylist Rep. Leila de Lima sa mga kapwa niya mambabatas, gayundin sa mga organisasyong Lakas Bayi, EveryWoman, PANTAY Inc., at Hiraya Initiatives for Change and Progress, na nakasama ng mga mambabatas sa pagbuo ng makasaysayang panukalang batas at nakiisa sa paghahain nito sa Kamara.
Iginiit ng mga mambabatas na mahalagang matiyak ang isang ligtas at patas na espasyo sa politika para sa kababaihan, upang mas marami pang babae ang mahikayat na makilahok sa pamumuno at serbisyo-publiko.