04/06/2026
Dugong Alay, Buhay ang Hatid: Sabayang Pag-aalay ng Dugo sa SOLCOM
30 Mayo 2026 - Bilang pakikiisa sa adhikaing makasagip ng buhay at mapalakas ang diwa ng bayanihan, nakiisa ang mga kasundaluhan mula sa Southern Luzon Command, Armed Forces of the Philippines na kinabibilangan ng Joint Task Force Katagalugan (JTFK) at Bicolandia (JTFB), Naval Forces Southern Luzon (NFSL), Tactical Operations Wing Southern Luzon (TOWSOL), 3rd Air Reserve Center (ARC) at Naval Reserve Center (NRC) sa ginanap na Bloodletting Activity na may temang “Isang Dugo, Isang Bansa: Tulong-Tulong sa Pagsagip ng Buhay.” Ito ay bahagi ng ika-39 na Anibersaryo ng pagkakatatag ng SOLCOM na dinaluhan ng humigit kumulang 575 blood donors at volunteers. Nasa 65 na mga kasundaluhan mula sa SOLCOM, 363 sa JTFK, 35 sa JTFB, 46 sa NFSL, 51 sa 3ARCEN at 15 mga reservists sa NRCEN.
Sa pamamagitan ng sama-samang pag-aalay ng dugo, naisakatuparan nang maayos ang paghahatid ng mga kinakailangang suporta at tulong para sa mga mamamayan at nagresulta sa pagkalikom ng kabuuang 258,750 cubic centimeters na dugo o katumbas ng 575 bags ng dugo.
Layunin ng programang ito na makalikom ng dugo para sa mga nangangailangan at lubos na maiparamdam ang pagmamalasakit sa pamamagitan ng boluntaryong pagkakaloob ng kani-kanilang dugo. Ang nasabing aktibidad ay sumisimbolo rin sa pagkakaisa at pagtutulungan upang mapalawak ang kahandaan lalo na sa panahon ng pangangailangan.
“Ang bawat patak ng dugong inyong maibabahagi ay katumbas ng pag-asa at buhay para sa ating kapwa. Sa pamamagitan ng Bloodletting Activity ng SOLCOM, ipinapakita natin ang tunay na diwa ng pagmamalasakit, pagmamahal sa kapwa, at paglilingkod sa bayan.” aniya, LTGEN CERILO C BALAORO JR PA, Commander ng SOLCOM.
”Ang inyong pagmamalasakit at kabutihang-loob ay magsisilbing pag-asa, pagkakaisa, at buhay para sa ating mga kababayang nangangailangan. Maraming salamat sa inyong suporta at pakikiisa para sa isang makatao at makahulugang adhikain.” dagdag pa niya.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, muling pinagtitibay ng SOLCOM ang diwa ng bayanihan – na sa pag-aalay ng dugo, may buhay na masasagip at may kinabukasang maipagkakaloob sa mga mamamayan ng Timog Luzon.