17/06/2026
𝑨𝑵𝑮 𝑲𝑼𝑳𝑨𝒀 𝑵𝑮 𝑩𝑨𝑯𝑨𝑮𝑯𝑨𝑹𝑰 𝑨𝑵𝑮 𝑴𝑨𝑮𝑯𝑨𝑯𝑨𝑹𝑰 𝑺𝑨 𝑷𝑼𝑺𝑶 𝑨𝑻 𝑷𝑨𝑵𝑰𝑵𝑰𝑵𝑫𝑰𝑮𝑨𝑵 𝑵𝑮 𝑺𝑨𝑵𝑮𝑲𝑨𝑩𝑨𝑲𝑳𝑨𝑨𝑵. 𝑴𝑨𝑲𝑰𝑩𝑬𝑲𝑰 𝑷𝑨𝑹𝑨 𝑺𝑨 𝑷𝑨𝑵𝑻𝑨𝒀 𝑵𝑨 𝑲𝑨𝑹𝑨𝑷𝑨𝑻𝑨𝑵!
Taas kamaong nakikiisa ang PHILOBIOSCIENTIA, The UPLB Life Sciences Society, sa ipinagdiriwang na Pride Month—isang paggunita sa kasaysayan, karanasan, at pakikibaka ng LGBTQIA+ para sa karapatan, dignidad, at pagkakapantay-pantay. Isa itong hamon upang ipagpatuloy ang panawagan para sa inklusibidad at tunay na akses ng nasabing sektor sa edukasyon, trabaho, kalusugan, sibiko’t legal na pagkilala—higit pa sa maningning na selebrasyon o naturang kasiyahan.
Sa isang lipunang mapanglimita’t mapanghati sa bawat ari at uri, nananatili pa rin ang siklo ng diskriminasyon, pang-aabuso, maging sistemikong konserbatismo. Sa kabila ng mga isinusulong na reporma na tutugon sa kanilang batayang pangangailangan o suliranin, mailap pa rin ang mga institusyon at batas sa ganap nilang integrasyon sa komunidad habang ikinukulong bawat identidad sa karampot na oportunidad.
Sa pamilya, hindi pa rin lubusang tanggap nina Tatay at Nanay ang pagkakakilanlan ni bunso, habang pinipilit itong maging “normal” muli. Sa ilang libong paaralan, lantad pa rin ang pangungutya at kawalan ng kalayaang manamit o magpahayag ng sarili ayon sa oryentasyon. Sa mga dokumento’t burukrasya ng papeles, hindi iginagalang ang kapasidad ng “same-sex couples” na magmana, umampon, at magpasya sa serbisyong medikal. Sa malawak na hanay ng lipunan, marami pa rin ang ikinakahon sa pamantayan, mga inaasahan, at hindi makatarungan o patas na pananaw.
Ngayon higit kailanman, nararapat nang isabatas ang SOGIESC Equality Bill upang mabigyang proteksyon ang bawat kasarian mula sa panghahamak at makamit ang isang lipunang ligtas, malaya, mapag-unawa sa kondisyon ng lahat. Hindi ito simpleng pagsusumamo sa hustisya o pagpapatuloy ng mga nasimulang adhikain—ito ay isang panata para lumikha ng espasyong mapagpahalaga sa mga niyuyurakang pagkatao, isang paninindigang nagpapaalalang walang binabagayang kasarian ang salitang respeto, isang pagbabagong magpapatunay sa kakayahan at gampanin ng bawat indibidwal anuman sila sa mata ng iba.
Mga Iskolar ng Bayan at kapwa mag-aaral, buong tapang nating iwagayway ang bandilang kinasisinagan ng samu’t saring kulay. Buong pakikisama nating tanganin ang prinsipyo ng pag-ibig at pagtanggap sa kapwa, sapagkat lagi’t laging pagmamahal ang mananaig sa dulo. Kondenahin ang kulturang macho pyudal at patriyarkal! Makibaka, makibeki at huwag mashokot para sa kasarinlan ng bawat ekspresyon, identidad, at kasarian.
𝑷𝑨𝑺𝑺 𝑻𝑯𝑬 𝑺𝑶𝑮𝑰𝑬 𝑺𝑪 𝑩𝑰𝑳𝑳 𝑵𝑶𝑾! 𝑴𝑨𝑩𝑼𝑯𝑨𝒀 𝑵𝑨𝑵𝑮 𝑴𝑨𝑳𝑨𝒀𝑨 𝑺𝑨 𝑺𝑨𝑹𝑰𝑳𝑰 𝑨𝑻 𝑴𝑨𝑷𝑨𝑮𝑷𝑨𝑳𝑨𝒀𝑨 𝑺𝑨 𝑰𝑩𝑨✊🏳️🌈
✍️: Edri Cueto
🎨: Tasha Punzalan