01/05/2021
Sa panahon ng lumalalang pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin, ang pagkakaroon ng ligtas na hanapbuhay at sapat na kita ay importante para sa masang Pilipino.
Kaakibat ng isyung ito ang pagkakaroon ng makataong oras ng trabaho, sapat na sahod at benepisyo, at kasiguruhan na ligtas ang mga manggagawa mula sa pagsasamantala ng mga kapitalistang ganid sa pera at sa banta ng Covid-19 virus.
Matatandaan na kasama sa naging kampanya ng kasalukuyang administrasyon ang pagbibigay-importansya sa kapakanan at karapatan ng uring manggagawa. Ngunit sa loob ng limang taon na pag-upo ng Administrasyong Duterte sa pamahalaan, wala ni isa sa kanyang mga ipinangako para sa mga manggagawa ang natugunan at naisakatuparan.
Una na rito ang mababang wage increase para sa mga manggagawa. Ayon sa ulat ng Ibon Foundation, ang Administrasyong Duterte ang may pinakamababang wage increase para sa mga manggagawa sa lahat ng nagdaang administrasyon mula noong magwakas ang diktaturya ni Marcos. Tinatayang nasa 9.4% lang ang naging pagtaas sa sahod ng mga manggagawa matapos ang dalawang beses na wage increase na ipinatupad ng administrasyon.
Taong 2019 naman nang ibasura ni Duterte ang Anti-Endo Bill na naglalayong wakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa. Idinahilan ng Presidente ang umanoβy magiging epekto ng panukalang batas sa βhealthy balanceβ ng mga manggagawa at mga negosyante sakaling itoβy maipatupad.
Sa kasalukyan, patuloy ang paglobo ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho. Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority, sumipa sa 8.8% noong Pebrero ang unemployment rate sa bansa, katumbas ng higit 4.2 milyong Pilipino na walang trabaho.
Nangangahulugan rin ito ng higit 4.2 milyong pamilyang Pilipino na naghihikahos sa gutom at kahirapan sa gitna ng palpak na pandemic response ng gobyerno.
Ang mensahe ay malinaw: hindi kailanman naging at magiging prayoridad ng administrasyong ito ang estado ng mga manggagawang Pilipino.
Ngayong Mayo Uno, tayo sa LETS-CDC ay tumitindig sa hanay ng mga uring manggagawa sa panawagan para sa mas makatao, mas patas, at mas kapaki-pakinabang na karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Hindi nararapat na manatiling bingi at bulag ang pamahalaan sa hinaing ng mga manggagawa na bumubuhay sa kanilang mga pamilya at nagtataguyod sa ekonomiya ng bansa.
Gayundin ay ating higit na pinalalakas ang kampanya upang patalsikin sa pwesto ang duwag, palpak, at walang-silbing Presidente ng pamahalaang ito. Mula sa isyu ng West Philippine Sea hanggang sa walang katapusang community quarantine dahil sa bulok na sistema sa pagtugon sa pandemya, patunay ang lahat ng ito sa tahasan at harap-harapang pagtataksil at pagpapabaya ng administrasyon sa kanilang mga responsibilidad sa tao at sa bayan.
Sagad na ang kakapalan ng mukha at pagiging walang-hiya ang administrasyong ito. Higit pa rito, buhay ng nakararaming Pilipino ang nakasasalay at maaaring patuloy na maapektuhan. Hindi nararapat na pag-aksayahan ng panahon, pera ng bayan, at buhay ng sambayanan ang mga tao sa likod ng administrasyong ito na walang pagpapahalaga sa karapatan, kalayaan, at kabuhayan ng masa at manggagawang Pilipino.
References:
Perez, C. (2020). Wage increases lowest and farthest apart during Duterte administration β
think tank. Retrieved from https://www.philstar.com/business/2020/02/27/1996536/wage-increases-lowest-and-farthest-apart-during-duterte-administration-think-tank
Rivas, R. (2021). Duterte gov't fails to bring jobs back as unemployed Filipinos reach 4.2 million.
Retrieved from https://www.rappler.com/business/unemployment-rate-philippines-february-2021
Santos, E. (2019). Duterte rejects anti-endo bill, says it destroys 'balance'. Retrieved from
https://cnnphilippines.com/news/2019/7/26/Duterte-veto-end-endo.html