01/05/2026
LATHALAIN | 𝗕𝗨𝗛𝗢𝗞 𝗞𝗔 𝗟𝗔𝗡𝗚!
Tuwing naglalakad si Janelle G. Momongan sa mahabang corridor ng Arcelo Memorial National High School (AMNHS), ramdam niya ang mga titig na parang mabigat na hangin sa kanyang balat—titig na hindi lang nagmamasid, kundi naghuhusga, tumutuklas ng kung ano ang naiiba sa kanya.
Sa edad na 13 at bilang Grade 8 student, ipinanganak siyang walang buhok, at alam ng lahat. Para sa iba, sapat na ang isang sulyap o isang bulong upang pagtawanan siya, at sa murang edad, natutunan niyang harapin ang mga tingin at komento nang may tahimik na lakas.
Mula pagkabata, hindi naging madali ang mundo para kay Janelle. May mga kamag-anak na tuwing makikita siya ay tatawagin siyang “Sun” o “Lubi,” sabay ng titig na punong-puno ng pagtataka at minsan ng panghuhusga. Sa kanilang biro, naramdaman niya kung gaano mabilis husgahan ang isang tao dahil lamang sa panlabas na anyo. “Dili nila makita akong giagian kay ako ra ning giantos,” sabi niya sa aming panayam, nagpapakita kung gaano kabigat ang mga araw na puno ng titig at bulungan.
Sa AMNHS, mas tumindi ang hamon. Sa bawat araw, nakikita niya ang mga mata ng kanyang mga kaklase na tumitig nang masyado, may bahagyang ngiti o tawa, at may mga tinig na nagbubulungan sa likuran: “Tingnan mo ‘yung bata, wala pang buhok,” o “Parang sunog na lubi ang ulo niya!” Kahit hindi niya direktang naririnig, ramdam niya ang bigat ng pagtawa sa bawat hakbang. Unti-unti, nagsimulang pumasok ang pagdududa sa sarili. “Like sa akong pagkatawo ingani? Usahay murag dili ko angay sa uban,” pag-amin niya.
Sa canteen o sa simpleng pagtambay sa paligid ng paaralan, mas masakit ang pakiramdam ng pagiging naiiba. May mga kaklase na tumatawa sa kanya, o nagbubulungan habang nakatingin sa kanya—mga sandaling kahit simpleng pagkain lang o pag-upo sa mesa ay nagiging mabigat. “I lost my confidence… Like maulaw bitaw ko sa akong itsura,” sabi niya, habang pilit na binubuo ang sarili araw-araw. Sa mga sandaling iyon, ramdam niya kung gaano kahirap ang tanggapin ang sarili sa harap ng iba.
Dahil sa social media, lalo pang lumalim ang sugat. Nakikita niya sa mga post ang mga batang babae na kaedad niya—ang mga buhok na malambot at maayos, mga litrato ng pagtawa at pag-aayos, at ang kumpiyansang lumalabas sa bawat larawan. Hindi siya galit sa kanila, ngunit unti-unti niyang naramdaman ang pangungulila at inggit: gusto rin niyang maranasan ang pakiramdam na tanggap siya, sapat, at hindi pagtatawanan kapag naglalakad sa paaralan.
Sinubukan niyang baguhin ang panlabas na anyo—nagsuot ng wigs, sumubok ng iba’t ibang estilo—umaasang baka sa pagkakataong ito ay hindi siya pagtatawanan. Ngunit habang tumatagal, mas lalo niyang naramdaman ang paglayo sa sarili. Ang batang babae sa salamin ay unti-unting nagiging estranghero sa sariling katawan—hindi na siya si Janelle na kilala niya, kundi isang anyong hinubog ng takot at pangangailangang tanggapin ng iba.
Isang araw, sa tahimik na sandali sa kanyang kwarto, humarap siya sa salamin at tumigil. Napagtanto niya na hindi niya kilala ang babaeng nakatingin pabalik sa kanya. Dito nagsimula ang pagbabalik sa sarili. Pinili ni Janelle na huminto sa pagkukunwari, yakapin ang sariling pagkatao—ang kabutihang nasa loob, ang kababaang-loob, at ang tapang na naipon sa kabila ng lahat ng panghuhusga.
Ngayon, naglalakad siya sa koridor ng AMNHS nang may kumpiyansa. Hindi na para patunayan sa iba, kundi upang igalang ang sarili. Ang mga taong minsang tumawa sa kanya ay naiwan sa likod, sapagkat ang kumpiyansang mula sa loob ay hindi madaling habulin o sirain.
Sa kanyang panayam, malinaw niyang sinabi: “Ang tinood nga beauty kay naa sa sulod sa tao, dili sa kung unsa imong makita sa atubangan.”
Ang kuwento ni Janelle ay hindi lamang tungkol sa pagkakaiba o kakulangan ng buhok; isa itong kwento ng tapang, katatagan, at pagtuklas ng sarili, na nagbibigay inspirasyon sa bawat batang minsang tinignan lamang dahil sa panlabas na anyo, ngunit natutunang yakapin ang sariling liwanag sa kabila ng lahat.
Sulat ni | Joannah Danielle B. Arañas
Layout ni | Niño Angilbert P. Gerongco