23/10/2026
LGU JUBAN RECEIVES DILG RECOGNITIONS AT ALDAW NIN HONRA
Pinarangalan ang Lokal na Pamahalaan ng Juban para sa mga nagawa nito sa larangan ng child-friendly governance, kapayapaan at kaayusan, at pagpapatupad ng mga programa sa barangay sa Aldaw nin Honra ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region V, ngayong Biyernes, Oktubre 23, 2026, sa The Pepperland Hotel, Legazpi City, Albay.
Kabilang sa mga natanggap ng LGU Juban ang Plaque of Recognition as Exemplary LGU in Child-Friendly Governance, bilang pagkilala sa mga programa at inisyatiba nito sa pangangalaga sa karapatan, kaligtasan at kapakanan ng mga bata para sa Performance Year 2025.
Ginawaran din ang munisipalidad ng Plaque of Recognition as Exemplary LGU in the 2026 Peace and Order Council Audit, matapos makapagtala ng 97.69% High Functionality Rating sa pagsusuri sa Local Peace and Order Council batay sa performance nito noong 2025.
Kasama rin sa mga natanggap na pagkilala ang Exemplary LGU in LCAT-VAWC Assessment, kung saan nakapagtala ang Juban ng 108% rating sa pagsusuri sa Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children (LCAT-VAWC). Higit sa mataas na rating, mahalaga ang pagkilalang ito dahil nakatuon ito sa proteksiyon ng mga kababaihan at bata sa Juban laban sa karahasan, pang-aabuso, trafficking at iba pang uri ng pananakit at pagsasamantala. Partikular na kapuri-puri ang naging papel ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pangunguna sa mga programa at hakbang upang matiyak na may malalapitan, mapagsusumbungan at makukuhang tulong ang mga kababaihan at batang nangangailangan ng proteksiyon. Sa pakikipagtulungan ng Office of the Municipal Administrator, Municipal Health Office (MHO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at iba pang katuwang na tanggapan, nakamit ang mataas na rating na ito. Kaakibat ng mga pagsisikap na ito ang dalawa sa pinaka mataas na adhikain ng pamumuno ni Mayor Rogel “Botox” Fulleros na maiangat ang dignidad at moralidad ng mga Jubangnon, kung saan mahalagang bahagi ang paggalang sa karapatan, kaligtasan at kapakanan ng bawat babae at bata sa munisipalidad.
Bukod dito, tumanggap ang Juban ng Special Citation sa ilalim ng 2026 Retooled Community Support Program (RCSP) – Barangayan sa Bikol, bilang pagkilala sa suporta at kontribusyon ng lokal na pamahalaan sa matagumpay na pagpapatupad ng programa sa isang barangay sa munisipalidad.
Bilang kinatawan ni Mayor Rogel “Botox” Fulleros, dumalo sa seremonya si Municipal Administrator Atty. Relina Arellano, kasama si OIC-MSWDO Janela Hainto.
Ang mga pagkilalang ito ay karangalan para sa buong Juban, lalo na sa mga tanggapan, kawani, barangay official at iba pang katuwang ng Lokal na Pamahalaan na may bahagi sa pagpapatupad ng mga programang kinilala ng DILG.
Taos-pusong pasasalamat at pagkilala rin ang ipinaaabot sa Juban Municipal Police Station (MPS), Public Safety Unit (PSU), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Municipal Health Office (MHO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Office of the Municipal Administrator, gayundin sa lahat ng tanggapan, kawani, barangay officials, mga miyembro ng lokal na konseho at komite, at iba pang katuwang na may mahalagang kontribusyon sa mga programang kinilala ng DILG. Ang mga parangal na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap at pagtutulungan sa paghahatid ng mga serbisyo para sa kapakanan ng mga Jubangnon.
Mula sa pangangalaga sa mga bata at kababaihan hanggang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pagpapatupad ng mga programa sa barangay, ang mga natanggap na parangal ay pagkilala sa mahahalagang larangan ng serbisyong pampubliko na patuloy na binibigyang-pansin sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Fulleros.
Congratulations, LGU Juban!!