02/06/2026
PRO6 PINAIIGTING ANG KAMPANYA KONTRA ILEGAL NA DROGA, TARGET ANG HVIs
Patuloy na pinaiigting ng Police Regional Office 6 (PRO6), sa pamumuno ni Acting Regional Director PBGen Randulf T. Tuaño, ang kampanya laban sa ilegal na droga sa Western Visayas sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na police-initiated operations at mas pinahusay na intelligence-driven approach.
Ayon kay PBGen Tuaño, ang mga kamakailang tagumpay sa operasyon ay bunga ng aktibong pagkilos ng mga tauhan ng PRO6 sa pagpapatupad ng mga anti-drug operations sa iba’t ibang komunidad sa rehiyon.
“Kapag marami tayong nahuhuli at nasasamsam na ilegal na droga, ibig sabihin nito ay aktibong kumikilos ang ating mga operatiba. Hindi tayo titigil hanggang maabot natin hindi lamang ang mga street-level peddlers kundi maging ang mas malalaking personalidad na sangkot sa ilegal na droga,” pahayag ni PBGen Tuaño.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpipigil at disiplina sa operasyon, kung saan nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga pulis na kalahok sa mga operasyon.
“Hindi natin nais ang anumang marahas na pangyayari. Mananatili ang ating operasyon, ngunit nais pa rin nating i-prioritize ang kaligtasan ng ating mga personnel. Babalansehin natin ito—ipagpapatuloy pa rin natin ang mga matagumpay na operasyon sapagkat ito ang ating mandato,” dagdag niya.
Muling iginiit ng PRO6 na ang mga tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon nito sa “Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas” sa pamamagitan ng mas pinalakas na law enforcement efforts, community-oriented policing, at serbisyong nakasentro sa mamamayan na nakaangkla sa PNP Focus Agenda at sa bisyon ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
(ORD-PRO6)