15/03/2026
May mga taong kapag nagsalita, opinyon ang dala.
Si Dr. Raquel Fortun, bangkay ang pinagsasalita.
Sa bansang matagal nang nasanay sa official version, sa police presscon na agad gustong magsara ng usapan, sa autopsy na minadali, sa death certificate na parang tinamad ang katotohanan, may isang babae na paulit-ulit yumuyuko sa ibabaw ng mga labi ng patay para itanong ang tanong na pinakaayaw sagutin ng mga sinungaling at abusado: ano ba talaga ang nangyari rito?
Sa tanong na iyan, walang puwang ang arte. Walang saysay ang spin. Walang silbi ang yabang ng kapangyarihan. Ang meron lang ay buto, sugat, trajectory, missing details, at ang malamig na disiplina ng ebidensya.
Kaya sa Womenβs Month, si Dr. Raquel Fortun ay isa sa mga babaeng dapat hindi lang pinapalakpakan kundi pinagninilayan. Hindi ito iyong ordinaryong uri ng pagdiriwang na hanggang quote card lang. Ang buhay at trabaho niya ay paalala na may mga kababaihang ang ambag ay hindi lang inspirasyon kundi imbestigasyon, hindi lang simbolo kundi sandata laban sa kasinungalingan.
Siya ang kauna-unahang Filipina forensic pathologist sa bansa, propesor sa UP Manila, at isa sa pinakarespetadong tinig sa forensic pathology sa Pilipinas. Sa isang bayang madalas mas maingay ang haka-haka kaysa ebidensya, ang presensya niya ay parang ilaw sa kwartong puno ng usok.
Pero kung may isang yugto ng kanyang trabaho na dapat mas tumatak sa alaala ng sambayanan, iyon ay ang kanyang papel sa mga bangkay ng drug war.
Dahil sa ilalim ni Rodrigo Duterte, libo-libong Pilipino ang namatay sa ngalan ng Tokhang at war on drugs habang paulit-ulit tayong pinakain ng iisang script: nanlaban, shootout, case closed.
Parang may template ang kamatayan. Parang may call center script ang impunity.
At gaya ng maraming bandaid solution ng administrasyong Duterte, mas magaling itong manakot kaysa magpagaling, mas mahusay pumatay kaysa umunawa, at mas mabilis gumawa ng salaysay kaysa maghanap ng katotohanan. Isang buong makinarya ang tila nakaayos para paikliin ang usapan. Isang maikling police line lang, tapos na raw. Tabon na raw ang dugo sa semento. Limot na raw ang hikbi ng pamilya. Burado na raw ang posibilidad na ang pinatay ay hindi armado, hindi lumaban, o hindi man lang nabigyan ng pagkakataong mabuhay.
Doon pumasok si Raquel Fortun.
Hindi bilang pulitiko. Hindi bilang taong naghahanap ng eksena. Dumating siya bilang siyentistang may training, scalpel, at gulugod.
Sa tulong ng mga pamilya at ng Project Arise, nag-exhume siya ng mga labi ng drug war victims para maitala kung paano talaga sila namatay. At doon nagsimulang mabutas ang makapal na tela ng official narrative. Sa isang kasong lumabas sa malawak na pag-uulat, may death certificate na nagsasabing pneumonia ang ikinamatay. Pero pagtingin sa labi, may tama ng bala sa bungo.
Ibig sabihin, hindi lang patayan ang problema.
Pati papeles, kayang pumatay ulit.
Pati dokumento, puwedeng maging kasabwat sa paglibing ng totoo.
Dito mo makikita ang bigat ng ambag niya sa usaping EJK. She helped turn grief into evidence. She turned suspicion into documentation. Habang ang marami ay nagtatalo kung totoo ba ang extrajudicial killings, siya mismo ang tumitingin sa bungo, sa sugat, sa buto, sa puwang ng mga ulat, sa mga palpak, kulang, o kahina-hinalang autopsy na iniwan ng sistemang mas interesado sa closure kaysa katotohanan.
May mga gobyernong takot sa forensic science.
Dahil kapag nagsalita ang buto, humihina ang script.
At sa Pilipinas, maraming patay ang unang pinapatay sa kalsada at pangalawa sa papeles.
Pinakamatinding halimbawa rito si Kian delos Santos.
Noong 2017, ipinilit sa taumbayan ang lumang linya ng drug war. Nanlaban daw. Parang iyon na lang palagi ang universal remote ng kasamaan. Kapag may patay, pindot lang ng nanlaban at akala nila tapos na ang usapan.
Pero nang muling suriin ni Fortun ang labi ni Kian pagkalipas ng mga taon, mas lalo lamang gumuho ang official narrative. Napansin niya na ang mga naunang autopsy ay mababaw lang at walang tunay na internal examination. May isa pang bala na naiwan sa leeg ni Kian na hindi naitala noon. Ang mga natuklasan niya ay lalo pang nagpatibay sa konklusyon na napakalubha ng pagkukulang sa unang paghawak sa katawan at ebidensya.
At dito lalong bumibigat ang kaso.
Hindi lang niya nirepaso ang katawan ni Kian. Parang muli rin niyang hinarap ang kasinungalingang ipinilit noon sa isang batang ginawang halimbawa ng isang madugong kampanyang sabik magmukhang mabagsik. Kapag mali, minadali, o kinahuyan ang autopsy, hindi lang detalye ang nawawala. Puwedeng mabaon ang katotohanan kasama ng bangkay. Sa drug war, puwedeng iyon ang pagitan ng murder at nanlaban, ng hustisya at state-sponsored storytelling.
Doon lalong lumilinaw kung bakit napakahalaga ni Raquel Fortun sa panahon ng Tokhang. Ang tunay niyang ginawa ay hindi lamang pag-testify sa ilang kaso. Ipinaglaban niya ang pinakapayak pero pinakamahirap igiit sa panahon ng dahas: na kahit patay na ang biktima, may karapatan pa rin siyang sabihin ng totoo.
Mabagal ang prosesong ito. Mabigat. Hindi ito kasing dali ng press release. Hindi kasing kinang ng speech na puno ng mura, machismo, at fake bravado. Pero ito ang tunay na trabaho ng hustisya kapag pumalya ang mga institusyong dapat unang nagtatanggol sa buhay.
At iyan ang isa sa pinakamatitinding indictment sa administrasyong Duterte. Kinailangan pa ng mga pamilya, independent efforts, at isang forensic pathologist na halos maghukay mula sa katahimikan para kontrahin ang bersyon ng estado.
Isipin mo iyon.
Sa halip na gobyerno ang unang interesado sa buong katotohanan, tila mas sabik pa itong tapusin agad ang kwento sa paraang pabor sa pulis, sa kampanya, at sa imahe ng lider na gustong magmukhang malupit. Kapag ganyang kalalim ang bulok, ang forensic work ay hindi lang medical practice.
Nagiging anyo ito ng civic resistance.
At hindi lamang drug war ang patunay ng talas niya. Sa ibaβt ibang yugto ng karera ni Fortun, paulit-ulit nating nakita ang parehong bagay: kapag magulo ang salaysay, kapag makapal ang takot, kapag maraming gustong magdikta ng kwento, siya ang klase ng eksperto na nagpapakipot sa espasyo ng kasinungalingan.
Sa mga sakunang halos bumura sa pagkakakilanlan ng tao, nandiyan ang kanyang forensic discipline. Sa Ozone Disco fire, kabilang siya sa mga tumulong sa identification ng mga nasunog na labi. Sa trahedyang nag-iwan ng 162 kataong halos binura ang pangalan ng apoy, bahagi siya ng gawaing nagbabalik ng identidad sa mga katawan na tila ginawa nang anonymous ng sakuna. Napakahalaga niyan. Dahil kahit sa pinakamarahas na anyo ng pagkawala, may agham na nagsasabing hindi dapat manatiling numero ang tao.
Sa mga kasong maraming impluwensiya, ingay, at interes na nagbabanggaan, nandiyan din ang kanyang bigat bilang independent expert. Sa Dacer-Corbito at iba pang high-profile violent deaths, matagal nang kinikilala na isa siya sa mga tinatawagan kapag ang kaso ay kontrobersyal, sensitibo, at tila napapalibutan ng impluwensiya, takot, at mga puwersang gustong magtakip. Kapag mabigat ang kaso at maraming posibleng tamaan, lalong mahalaga ang eksperto na hindi basta natitinag sa ingay.
Sa mga kasong madaling lunurin sa bias laban sa biktima, lalo ring mahalaga ang boses niya. Sa Subic r**e case, tumestigo siya bilang expert witness at kinuwestiyon ang mga lipas at problematikong forensic methods habang ipinaliwanag na ang mga injury ng complainant ay consistent with sexual assault. Sa lipunang mabilis pa ring mangduda sa babae at mabilis maliitin ang trauma kapag hindi pasok sa imahinasyon ng marami, napakahalaga ng siyensyang malinaw, matatag, at handang sumalungat sa prejudice.
Sa mga kasong nilalamon ng tsismis at public frenzy, makikita rin ang kakaibang kalidad ng kanyang trabaho. Sa pagkamatay ni Trina Etong, asawa ni Ted Failon, kasama siya sa mga nagsuri ng ebidensya at nagbigay ng independent forensic interpretation na tumuturo sa self-inflicted gunshot. Habang ang madla ay sabik sa intriga, nakatuon siya sa trajectory, soot, wound interpretation, at sa kung ano talaga ang sinasabi ng ebidensya. Napakahalaga ng ganitong disposisyon sa bansang mahilig magdesisyon batay sa tsismis bago pa man tumahimik ang mga eksperto.
Sa mga kasong sobrang brutal at sobrang politikal, hindi rin sapat ang galit lamang. Sa Maguindanao massacre, kinilala siya bilang consultant sa isa sa pinakamadugo at pinakakilabot na political massacres sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa ganitong kaso, kailangan ng forensic discipline para may matibay na salalayan ang katotohanan sa gitna ng dami ng bangkay, lawak ng krimen, at bigat ng kapangyarihang kasangkot.
At sa mga kasong pilit pinapagaan o pinapalinaw kunwari ng mga naunang kuwento, madalas siyang dumarating bilang taong muling nagpapaigting sa tanong. Sa autopsy niya kay Randall βKa Randyβ Echanis, lumabas na hindi simpleng pagkamatay ang nangyari. Natuklasan niya ang maraming saksak at puncture wounds at mga palatandaang dumanas ito ng pisikal na pang-aabuso bago ang fatal injury. Sa kaso naman ni Jun Villamor sa Percy Lapid case, may naunang claim ng natural causes. Pero sa second autopsy ni Fortun, malinaw ang mas mabigat na konklusyon: homicide by asphyxia through plastic bag suffocation.
Isang buong narrative ang puwedeng gumuho kapag may isang forensic pathologist na tumangging yumuko sa madaling sagot.
Iyan ang nakakabilib kay Dr. Raquel Fortun. Ang reputasyon niya ay hindi bunga ng PR, hindi gawang hype, hindi souvenir ng media cycle. Naitayo ito dahil sa paulit-ulit na pagkakataong pagdating niya sa isang kaso, kumikipot ang espasyo ng kasinungalingan.
Walang mahika rito. Wala ring paandar.
Method. Discipline. Science. Alaala. Konsensya.
At sa isang bansang madalas mas mahal ang narrative kaysa evidence, napakalaking bagay niyan.
Mas mabigat pa, ang buong karera niya ay nagsisilbing salamin sa kakulangan ng forensic system sa Pilipinas. Nakakatakot isipin na sa dami ng mararahas na kaso sa bansa, napakakonti ng may ganitong antas ng training, rigor, at credibility. Para bang sa tuwing may kontrobersyal na kamatayan, umaasa tayong may isang Raquel Fortun na sasalo sa responsibilidad ng buong sirang sistema.
Pero hindi puwedeng ganyan habang-buhay.
Hindi puwedeng may isang babae lang na halos lagi nating inaabangan kapag gusto nating makasiguro na may pagkakataon pang makalapit ang katotohanan. Dapat dumami ang tulad niya. Dapat mas seryosohin ng estado ang forensic science, criminal investigation, pathology training, at institution-building.
Dahil ang hustisya na mahina ang forensic backbone ay hustisyang madaling dayain.
Kaya kapag sinabing Womenβs Month, huwag naman sana hanggang empowerment language na kasya sa tote bag at corporate caption.
Minsan, empowerment looks like a woman in a lab, leaning over bones, correcting the state.
Minsan, ang tunay na tapang ay hindi nasusukat sa lakas ng boses, sa dami ng bodyguards, sa tapang-tapangan sa entablado, o sa kabastusang ibinibida bilang authenticity. Minsan, ang tapang ay iyong kakayahang tumayo sa harap ng kapangyarihan at sabihing hindi iyan ang sinasabi ng ebidensya.
Sa ilalim ng rehimeng nagpasikat sa dahas bilang governance style at ginawang macho fantasy ang pagpatay, ang ganitong uri ng tapang ang mas bihira at mas mahalaga.
Si Dr. Raquel Fortun ay hindi lamang mahusay na doktor. Hindi lamang mahusay na babae. She is one of the countryβs fiercest custodians of truth for those who can no longer speak.
Sa bansang maraming makapangyarihan ang sobrang komportable sa pagsisinungaling, nagtayo siya ng karera sa pakikinig sa patay.
At nakakahiya naman kung sa isang republika ng takot, spin, at political theater, mas matapang pa ang patay magsabi ng totoo kaysa ang buhay.