03/08/2021
[OPISYAL NA PAHAYAG SA PAGBITIW SA PWESTO NI MAYOR WALTER D. ECHEVARRIA JR.]
Simula 1972 noong ako’y naglilingkod pa lamang bilang Barangay Secretary ng Area J, batid ko ang pangangailangan ng bayan para sa isang lider na may prinsipyo at handang tumulong sa kanyang kapwa. Hindi ako nag-atubili at mas nagbigay serbisyo bilang Konsehal ng Bayan ng anim na taon, nagsilbing Vice Mayor ng tatlong taon, at dahil sa inyong walang sawang pagtitiwala, ako po ay naglingkod bilang Punong Bayan mula 2001-2010 at muling nahalal noong 2013 hanggang sa kasalukuyan. Halos buong buhay akong naglingkod para sa pagpapaunlad ng ating minamahal na bayan. Dala ng paglipas ng panahon, akin na pong nararamdaman ang pag-iba sa aking pisikal na pangangatawan kaya naman po ang inyong Agila ay ipapahinga muna ang kanyang mga pakpak.
Nais kong ipaalam sa inyong lahat na simula sa araw na ito, akin pong binibitawan ang aking pwesto sa pagka-Alkalde ng bayan ng Gen. Mariano Alvarez. Buhat ng pagbabago sa aking kalusugan, ako po ay lubos na nagpapakumbabang iwan ang aking pwesto upang kayo po ay mapaglingkuran ng mas tapat at nararapat. Maging ako po ay nalulungkot sa aking naging desisyon subalit mas kailangan natin ng isang lider na may kakayahang pamunuan ang bayan sa gitna ng pandemya. Nawa ay patuloy po ninyong suportahan ang mga proyekto at programa ng lokal na pamahalaan para sa ikauunlad ng bawat indibidwal sa ating bayan. Ako’y lubos na naniniwala na ang susunod sa aking naumpisahan at magpapatuloy ng aking misyon ay ang karapat-dapat para sa bayan.
Kagaya ng isang Agila, lumipad kayo ng matayog at abutin ang inyong mga pangarap, magkaroon ng matalas na pagtingin sa kasalukuyan maging sa hinaharap, at huwag matakot na harapin ang anumang hamon ng buhay. Ang tangi kong dinarasal sa Poong Maykapal ay bigyan niya pa ako ng mas mahabang buhay upang makita ang mas progresibong bayan. Muli, ito po ang inyong lingkod Walter D. Echevarria Jr., ang inyong Agila sa GMA, maraming salamat po! God bless po sa inyong lahat.