08/06/2026
https://www.facebook.com/share/p/1DtLjgGERu/
KAP. BENJIE TOLEDO, BUMWELTA SA SUNOD-SUNOD NA PANINIRA SA KANIYA AT KAY MAYOR JENNY BARZAGA NG MGA FAKE ACCOUNTS MULA SA KALABAN SA PULITIKA
Matapang na sinagot ni Kap. Benjie Toledo ang umano’y panibagong serye ng paninira at pagpapakalat ng fake news laban sa kanya at kay Mayor Jenny Barzaga kaugnay ng nararanasang problema sa suplay ng tubig sa Barangay Salawag.
Ayon kay Toledo, hindi siya ang may responsibilidad sa operasyon at serbisyo ng PrimeWater at ang tanging ginagawa niya ay tumulong sa mga residente sa abot ng kanyang makakaya.
“Hindi po ako nakapwesto o nakaupo para maging responsable sa pagkukulang ng PrimeWater. Ako po ay natulong lamang gamit ang sariling pera at ang ibang water truck ay hinihingi at ipinakikiusap ko lamang sa mga kaibigan ko,” ani Toledo.
Iginiit din niya na may mga taong sadyang naghahanap ng paraan upang siraan siya kahit mabuti ang kanyang layunin para sa komunidad. Aniya, ang mga tunay na may pananagutan ay ang mga opisyal na nakaupo sa barangay at may direktang mandato sa pagtugon sa mga problema ng nasasakupan.
Binigyang-diin din ni Toledo na umaksyon na si Mayor Jenny Barzaga upang tugunan ang suliranin sa tubig at may mga larawan at video umano na nagpapakita ng ginagawa at itinatayong mga bago at lumang pumping stations para mapabuti ang serbisyo.
Dagdag pa niya, maging sila ay nakararanas din ng kakulangan sa tubig ngunit aniya ay mayroon nang mga hakbang at solusyon na ipinatutupad na unti-unti nang nararamdaman ng mga residente.
Nanawagan din si Toledo sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga fake news at mapanirang impormasyon na kumakalat sa social media.
Sa huli, sinabi niya na hindi niya hinihingi ang anumang kapalit o pagkilala sa mga tulong na kanyang ibinibigay, ngunit nalulungkot siya na ginagastusan pa umano ng malaking halaga ang paninira laban sa kanya, kay Pres. Arthur Melendres, at kay Mayor Jenny Barzaga.
“Hindi ko naman hinihingi ang pasasalamat ng kahit sino dahil kusang-loob ang lahat ng tulong na ibinibigay ko. Ang tanong ko lamang, bakit ako, si Pres. Arthur Melendres at si Mayor Jenny Barzaga ang laging ginagawan ng isyu, habang may iba namang hindi naaabot ng mga mapanirang akusasyon?” pahayag ni Toledo.