02/06/2026
DALAWANG MOST WANTED PERSONS, NAARESTO SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON NG MERCEDES MPS
Muling pinatunayan ng Mercedes Municipal Police Station ang kanilang kahusayan sa pagpapatupad ng batas matapos matagumpay na maaresto ang dalawang Most Wanted Persons sa magkahiwalay na operasyon nitong June 1, 2026, sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Bandang alas-9:40 ng umaga, naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Tracker Team ng Mercedes MPS bilang lead unit katuwang ang Provincial Intelligence Unit, Provincial Intelligence Team Camarines Norte, Regional Intelligence Unit 5, at Camarines Norte 1st Provincial Mobile Force Company sa ilalim ng superbisyon ni PCPT Arthur S Borja, Acting Chief of Police, ang Provincial Most Wanted Person Rank No. 6 na kinilalang si alyas “Roy,” 52 taong gulang, construction worker, at residente ng Brgy. Mambungalon, Mercedes, Camarines Norte.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Qualified R**e of a Minor sa ilalim ng Criminal Case No. 34839 na inilabas ng Family Court, Fifth Judicial Region, Daet, Camarines Norte noong Mayo 28, 2026. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Samantala, bandang alas-12:15 ng tanghali ng parehong araw, naaresto rin ng magkatuwang na operatiba ng Mercedes MPS, PIU, 503rd Maneuver Company ng RMFB5, at CN 1st PMFC ang Municipal Most Wanted Person Rank No. 8 na kinilalang si alyas “Noel,” 35 taong gulang, laborer, at residente ng Mercedes, Camarines Norte.
Siya ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa paglabag sa Section 5(A) at Section 5(I) ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, sa ilalim ng Criminal Case Nos. 34861, 34862, at 34863 na inilabas din ng nasambit na hukuman.
Itinakda ang piyansang ₱36,000.00 bawat isa para sa dalawang bilang ng paglabag sa Section 5(A) at ₱72,000.00 para sa paglabag sa Section 5(I).
Sa kasalukuyan, ang dalawang naarestong indibidwal ay nasa kustodiya ng Mercedes MPS para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Patuloy namang pinaigting ng Camarines Norte Police Provincial Office ang kampanya laban sa mga wanted person bilang bahagi ng mas pinaigting na law enforcement operations.