06/09/2026
LGU-DOS | Municipal Information Office
September 6, 2026 | Sunday
KARAGDAGANG SUNDALO, NAKAHANDA PARA SA LIGTAS NA HALALAN SA DATU ODIN SINSUAT
DATU ODIN SINSUAT, MAGUINDANAO DEL NORTE — Nakatutok na ang karagdagang mga sundalo ng Philippine Army sa bayan ng Datu Odin Sinsuat bilang bahagi ng paghahanda para sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE).
Layunin ng deployment na makatulong sa pagpapanatili ng ligtas, mapayapa, maayos at malayang pagboto ng mga residente bago, habang at matapos ang halalan.
Patuloy naman ang koordinasyon ng 75th Infantry Battalion sa Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), lokal na pamahalaan at mga barangay upang matiyak ang maayos na daloy ng proseso ng halalan.
Kanina, September 6, nakipag coordinate ang pamunuan ng 75th IB kay MDRRMO-DOS Monesa Ayao-Sale.
Ayon sa Army, mananatili itong katuwang ng iba pang awtoridad sa pagpapanatili ng seguridad at pagprotekta sa karapatan ng mga botante.
Binigyang-diin din ng 75th Infantry Battalion na mahalaga ang pakikiisa at pagbabantay ng publiko upang agad na matugunan ang anumang posibleng problema at mapanatili ang kapayapaan sa panahon ng halalan.
Samantala, hinikayat ni Mayor Abdulmain P. Abas ang mga opisyal ng barangay na igalang ang kalayaan ng bawat mamamayan na pumili ng kanilang nais ibotong kandidato.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng malaya at patas na pagpapasya ng mga botante. Hiniling din niya sa mga barangay officials na iwasan ang anumang uri ng pananakot, pamimilit, pamimili o panggigipit upang suportahan ang isang partikular na kandidato.
End
☆Stay ahead of the curve with MIO-DOS☆