14/07/2024
Teduray leaders, suportado ang Bapa Party ng MNLF.
Nagpulong kamakalawa ang mga kilalang leaders ng mga etnikong Teduray, na kabilang sa indigenous non-Moro communities sa Mindanao, at ang presidente ng Bangsamoro Party (BAPA Party) ng Moro National Liberation Front na si Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema at nagkaisang silang magtulungan sa pagsulong ng peace initiatives ng pamahalaan at mga Moro, non-Moro at indigenous people sa Mindanao.
Ang BAPA Party ng MNLF, pinamumunuan ni Minister Sema, ay rehistrado na sa Commission on Elections at nakatakda ng lalahok sa kaunaunahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa susunod na taon.
Tatlong Teduray leaders, sina Rex Pablo, Romino Ariston at Orly Benito ang nangako ng suporta sa BAPA Party sa kanilang dayalogo kamakalawa kay MNLF Chairman Sema.
Ang BAPA Party ay popular sa regulasyon nito na mahigpit na nagbabawal sa mga kasapi nito at mga ka-alyado ng pakikipag-away, o bangayan sa mga taga ibang partido batay sa layuning nitong mapalago pa ang tinatawag na cultural at religious solidarity ng mga residente sa BARMM at upang mapangalagaan ang mga dividend, o magagandang resulta ng Mindanao peace process.
Sa tala ng mga local officials, Moro at Teduray tribal leaders at mga pinuno ng MNLF sa anim na probinsya at tatlong lungsod sa BARMM, mahigit 200,000 na ang mga kasapi at suporters ng BAPA Party na pinagbabawalan ng partido na gamitin ang Facebook, mga radio stations at mga peryodiko sa pagtuligsa sa ibang mga regional parties na lalahok din sa Bangsamoro parliamentary elections sa 2025. (July 14, 2024)