05/03/2026
SCAM ALERT: Pagpapanggap bilang Judge o Prosecutor
Pinapayuhan ang publiko na maging mapagmatyag at maingat laban sa mga indibidwal na nagpapakilalang Judge o Prosecutor na umano’y tumatawag, nagme-message, o nakikipag-ugnayan upang humingi o mangikil ng pera kapalit ng pag-aayos ng kaso o pagbibigay ng pabor sa anumang legal na usapin.
Batay sa mga impormasyon, may mga manloloko na gumagamit ng pangalan o posisyon ng mga opisyal ng korte, pati na rin ng mga Investigator-on-Case (IOC), upang linlangin at takutin ang kanilang mga biktima. Karaniwang sinasabi ng mga ito na kailangang magpadala ng pera upang maiwasan ang pagsasampa ng kaso, mapabilis ang proseso ng paglilitis, o maresolba ang isang legal na problema.
Mariin naming binibigyang-diin na ang mga Judge at Prosecutor ay mga lingkod ng batas na may mataas na antas ng integridad at propesyonalismo. Hindi sila kailanman humihingi, tumatanggap, o nag-uutos na magpadala ng pera sa pamamagitan ng personal na tawag, text message, o online communication kapalit ng anumang pabor o aksyon sa isang kaso.
Paalala sa publiko:
Wala sa mga nabanggit na ahensya ang hihingi ng pera kapalit ang ano mang sebisyo labas sa opisyal o tamang pamamaraan.
Huwag agad magpadala ng pera o magbigay ng personal na impormasyon sa mga hindi kilalang tao na nagpapakilala bilang opisyal ng korte.
ANO ANG DAPAT GAWIN?
Kung kayo ay nakatanggap ng ganitong uri ng tawag o mensahe:
Huwag makipagtransaksyon o magpadala ng pera.
I-save ang mga ebidensya tulad ng text messages, call logs, screenshots, o anumang komunikasyon.
Agad itong i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa kinauukulang awtoridad.
Ang integridad ng ating hudikatura ay dapat igalang at pangalagaan, at hindi dapat gamitin ng sinuman bilang kasangkapan sa panloloko.
Ang ating pagiging mapagmatyag, mapanuri, at maagap sa pagre-report ay mahalagang hakbang upang maprotektahan ang ating sarili at ang komunidad laban sa mga ganitong uri ng panlilinlang.
Mag-ingat, magtanong, at agad ireport ang anumang kahina-hinalang gawain.