27/05/2026
R-PSB Team Maysuram Matagumpay na Nagsagawa ng Turnover ng Public Comfort Room sa Barangay
Bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pampublikong kalusugan, sanitasyon, at napapanatiling kaunlaran sa komunidad, pinangunahan ni Catanduanes Police Provincial Office (CatPPO) Provincial Director PCOL VIRGILIO R BUENA ang pormal na pagbabasbas at turnover ng bagong tayong Public Comfort Room sa Sitio Lusong, Brgy. Maysuram, Caramoran, Catanduanes dakong alas-1:00 ng hapon noong Mayo 26, 2026.
Ang nasabing proyektong pang-imprastraktura ay pinangunahan ng Catanduanes 2nd PMFC Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB) Team Maysuram sa pamumuno ni PCPT BENJAMIN P BU-UCAN, Team Leader, sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU) ng Caramoran, Barangay Council ng Maysuram, Emerald Hardware sa pangunguna ni Ms. Carolyn S. Co, at ni G. Samuel Laynes.
Pinangunahan naman ni Rev. Fr. Jomar Tartacon ang seremonya ng pagbabasbas na dinaluhan ng CatPPO R-PSB Oversight Committee, Catanduanes 2nd PMFC, OIC Asst. Force Commander PMAJ LESTER V QUILILLAN, at mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Judith Abainza.
Ang proyektong ito ay bunga ng pangangailangang inilahad mismo ng mga residente sa isinagawang comprehensive needs assessment survey ng R-PSB Team sa lugar. Layunin nitong matugunan ang pangunahing suliranin sa sanitasyon at kalinisan ng komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos, malinis, at ligtas na pasilidad para sa publiko.
Sa pamamagitan ng nasabing proyekto, inaasahang higit pang mapapabuti ang pampublikong kalusugan, personal na kalinisan, at pangkalahatang kapakanan ng mga residente ng Brgy. Maysuram. Isa rin itong patunay ng matagumpay na pagtutulungan ng PNP, lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad tungo sa mas maayos at mas maunlad na pamayanan.