27/04/2026
KAPULISAN, HINANGAAN SA AGARANG PAGTULONG SA INA AT SANGGOL SA KALINGA
Isang ordinaryong checkpoint operation ang nauwi sa isang makabuluhang tagpo ng malasakit matapos agad na rumesponde ang mga tauhan ng Pinukpuk Municipal Police Station sa isang inang may dalang sanggol na nangangailangan ng agarang tulong.
Habang nagpapatupad ng routine inspection sa mga motorista, napansin ng mga pulis ang isang babaeng nakayapak, pagod na pagod, at bitbit ang kanyang sanggol na halatang hindi maayos ang kalagayan. Sa halip na palampasin, agad nila itong nilapitan at inasikaso.
Dalawang police personnel—PCpl Jaynifer D. Pattal at PCpl Arlyn D. Dumayag-Peng-at—ang nanguna sa pag-aalaga sa sanggol. Maingat nilang sinuri ang bata, pinalitan ng diaper, at tiniyak na malinis at komportable ito. Humingi rin sila ng tulong sa mga residente sa lugar na boluntaryong nagbigay ng damit para sa sanggol.
Binigyan din ng pagkain at sandaling pahinga ang ina, habang nag-abot ng tulong pinansyal ang mga pulis para sa pamasahe upang makauwi nang ligtas ang mag-ina.
Ayon kay Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang ganitong mga pagkakataon ay nagpapakita ng tunay na diwa ng serbisyo ng kapulisan.
“Ang pulis na may malasakit ay hindi lang nakatuon sa pagpapatupad ng batas, kundi sa pag-abot ng tulong sa oras ng pangangailangan. Ito ang klase ng serbisyo na nagpapalalim ng tiwala ng ating mga kababayan sa PNP,” ani PGen Nartatez.
Dagdag pa ng Chief PNP, ang ganitong klaseng pagtugon ay patunay na ang kapulisan ay nananatiling malapit sa mamamayan sa oras ng pangangailangan.
Ang pangyayaring ito ay nagsilbing paalala na ang isang checkpoint ay hindi lamang lugar ng inspeksyon, kundi maaari ring maging sandali ng pag-asa at malasakit.
Sa ilalim ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, patuloy na pinapatunayan ng kapulisan na ang tunay na seguridad ay may kasamang puso at malasakit para sa bawat Pilipino.
(PNP-PIO)