Anakbayan South Caloocan

Anakbayan South Caloocan Ang pinakakomprehensibong pambansa-demokratikong pang-masang organisasyon ng kabataan sa Timog Kalookan! Sumapi na sa Anakbayan! ❤️✊

Dakilain ang buhay ni Ka Chico! Martir ng Caloocan, tunay na anak ng bayan!Matagumpay na inilunsad kahapon, Ika-13 ng Ag...
14/08/2026

Dakilain ang buhay ni Ka Chico! Martir ng Caloocan, tunay na anak ng bayan!

Matagumpay na inilunsad kahapon, Ika-13 ng Agosto, 2026, ang parangal para kay Enrique "Ka Chico" Dayandante. Ito ay ginanap sa may tapat mismo ng kanilang dating tahanan at unang balangay ng Anakbayan na kaniyang itinatag, Palon St., Lungsod ng Caloocan. Dinaluhan ito ng kaniyang mga pamilya at kaibigan, kasama ang mga progresibong grupo at beteranong aktibista.

Iginunita rito ang mga ala-ala ni Ka Chico bilang isang mabuting anak at kasama. Mula sa kabataan niyang tema'y mga awitin na likha ng Eraserheads at pagpasok sa Caloocan High School, tungo sa pagiging kabataang aktibista na isa sa mga unang nagtayo ng mga balangay ng Anakbayan sa Palon St., UE Caloocan, at iba pang mga bahagi ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela (CAMANAVA).

Kinilala si Ka Chico bilang isa sa mga tagapagtatag ng Anakbayan at isang kabataang organisador sa CAMANAVA. Isa rin siya sa mga pangunahing nag-ambag sa pag-oorganisa ng mga laban ng mamamayan sa kampanyang no to oil price hike, demolisyon, tuition fee increase, komersyalisadong edukasyon, at iba pang lokal na pakikibaka.

Nagtanghal ng mga awitin, tula, talakayan, at talumpati ang mga dumalo rito. Bilang pagkilala sa pagiging artista ni Ka Chico, itinugtog at inawit ang mga kanta noong kaniyang kabataan, at pati na rin ang paglulunsad ng mga kulturang pagtatanghal na mga progresibong likha. Nagkaroon ng mga talakayan hinggil sa tuloy-tuloy na laban ng mga mamamayan ng CAMANAVA, na isa si Ka Chico ang nagbitbit nito; napagusapan ang tuloy tuloy rin na pagtaas ng presyo ng langis, patuloy na pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan, mga demolisyon, at pati na rin ang kampanya laban sa Luzon Economic Corridor at Pax Silica ng imperyalistang Estados Unidos. Ang mga talumpating umalingawngaw ay tumagos sa puso at damdamin ng mga masa at kasama, kung saan iisa lamang ang naging panawagan– tuloy ang laban!

Luma't bagong mga miyembro ng Anakbayan ang dumalo rito, kasama ang Bagong Alyansang Makabayan – Caloocan (BYC), at iba pang mga Pambansa Demokratikong Organisasyon. Anila, ang buhay ni Ka Chico ay isang buhay na kasingbigat ng Bundok Maruyen kung saan siya'y iminartir. Ito ay sapagkat ang buhay niya ay nagsilbi para sa masa at sa pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Ayon din sa mga kapamilya ni Ka Chico, kahit anupamang paninira ng estado sa kaniya, isang tunay na makulit, mapagmahal, at mapagbigay na anak si Eric simula pa noong kabataan niya. Kung kaya't hindi na nakakapagtaka ang pag-alay ni Eric ng buhay niya para sa sambayanan.

Sa pagpatak ng kaniyang dugo at luha ng masa sa pagluluksa, tunay ito'y daraan sa daloy ng panahon. Maging ito man sa lupa, ilog, pisngi, o kaluluwa, ito'y pataba sa mga pumupunlang pag-asa. Hinding hindi makakalimutan ang buhay at pakikibaka ni Eric sa puso ng mga mamamayan, mula Caloocan, CAMANAVA, Abra, at kahit hanggang sa bawat dulo ng ating bayan.

Iba man ang materyal na kundisyon na kinakaharap natin sa kasulukuyang panahon, maging sa mga darating na mga bukas, ang buhay at ala-ala ni Ka Chico ay magsisilbing imortal dahil ito ay nakaugat sa mamamayan.

Enrique Dayandante, isang tunay at mabuting anak ng bayan– martir at bayani ng sambayanan!

𝗣𝗜𝗡𝗔𝗞𝗔𝗠𝗔𝗧𝗔𝗔𝗦 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗣𝗨𝗣𝗨𝗚𝗔𝗬 𝗞𝗔𝗬 𝗘𝗡𝗥𝗜𝗤𝗨𝗘 “𝗞𝗔 𝗖𝗛𝗜𝗖𝗢” 𝗗𝗔𝗬𝗔𝗡𝗗𝗔𝗡𝗧𝗘, 𝗞𝗔𝗦𝗔𝗣𝗜𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗚𝗔𝗣𝗔𝗚𝗧𝗔𝗧𝗔𝗚 𝗡𝗚 𝗔𝗡𝗔𝗞𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡, 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡𝗜 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗠𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡𝗔𝗡!N...
12/08/2026

𝗣𝗜𝗡𝗔𝗞𝗔𝗠𝗔𝗧𝗔𝗔𝗦 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗣𝗨𝗣𝗨𝗚𝗔𝗬 𝗞𝗔𝗬 𝗘𝗡𝗥𝗜𝗤𝗨𝗘 “𝗞𝗔 𝗖𝗛𝗜𝗖𝗢” 𝗗𝗔𝗬𝗔𝗡𝗗𝗔𝗡𝗧𝗘, 𝗞𝗔𝗦𝗔𝗣𝗜𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗚𝗔𝗣𝗔𝗚𝗧𝗔𝗧𝗔𝗚 𝗡𝗚 𝗔𝗡𝗔𝗞𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡, 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡𝗜 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗠𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡𝗔𝗡!

Noong Agosto 4, 2026, tuluyang namartir si Enrique “Ka Chico” Dayandante matapos ang madugong engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan-Agustin Begnalen Command at mga yunit ng militar sa Barangay Bonglo, Licuan-Baay, Abra. Ayon sa salaysay na ibinahagi tungkol sa kanyang pamilya, naging masalimuot din ang pagkuha sa kanyang mga labi dahil sa awtopsiya at mga protocol na ipinataw matapos ang engkwentro. Nang tuluyan nilang makita ang kanyang mga labi, malubha na ang pagkakaagnas nito kaya napilitan silang ipa-cremate siya.

Sa Abra at Cordillera, matagal nang umiiral ang tunggalian sa lupa, likas-yaman, at karapatan ng mga komunidad laban sa interes ng pasistang estado at malalaking dayuhang negosyo. Pinalalala ito ng militarisasyon na nagdudulot ng takot at panganib sa mga mamamayan, kaya nananatiling larangan ng matinding tunggalian ang rehiyon, dahilan ng pagtungo ni Ka Chico dito.

Mula sa hanay ng maralitang lungsod sa Caloocan, maagang naranasan ni Ka Chico ang tindi ng kahirapan at kawalang-katarungan. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral sa University of the East Caloocan dahil sa pinansyal na kakulangan. Sa halip na manatiling tahimik sa harap ng ganitong kalagayan, pinili niyang hanapin ang ugat ng suliranin at ialay ang kanyang talino, lakas, at panahon sa paglilingkod sa sambayanan.

Isa si Ka Chico sa mga unang kasapi at tagapagtatag ng Anakbayan. Tumulong siyang magtatag ng unang balangay nito sa A. Palon, Caloocan at naging bahagi ng makasaysayang Kongreso ng Pagkakatatag ng Anakbayan noong Nobyembre 30, 1998. Sa mga paaralan at komunidad, walang patid siyang nagmulat, nag-organisa, at nagpakilos sa kabataan at maralitang mamamayan. Sa UE Caloocan, nanguna ang kanilang balangay sa paglaban sa pagtataas ng matrikula, habang sa CAMANAVA ay tumulong siyang mag-organisa ng mga kabataan, out-of-school youth, at mala-manggagawa laban sa iba’t ibang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala.

Hindi rin niya isinantabi ang sining sa paglilingkod sa masa. Sa pamamagitan ng gitara at mga awitin, naging bahagi ang kultura ng kanyang pag-oorganisa at pakikipag-ugnayan sa kabataan. Nakilahok din siya sa elektoral na pakikibaka at iba pang ligal-demokratikong pagkilos bago niya piniling dalhin sa mas mataas na antas ang kanyang pakikibaka.

Sa edad na 20, matapos ang integrasyon sa mga katutubo sa Ilocos at Kordilyera, pinili niyang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka. Sa kanyang higit dalawang dekadang paglahok sa rebolusyonaryong kilusan, pinatunayan niya ang matibay na pagnanais ng isang kabataan na maglingkod sa sambayanan at harapin ang mga ugat ng kahirapan at pagsasamantala.

Hangga’t hindi natutugunan at nawawakasan ang tatlong ugat ng kahirapan, patuloy na sisibol ang mga kabataang tulad ni Ka Chico na magmumulat, mag-oorganisa, at kikilos para sa tunay na pagbabago. Hangga’t nagpapatuloy ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo, mananatili ang mga salik na nagtutulak sa sambayanan na lumaban. Sa bawat henerasyon, may mga kabataang pipiliing makialam sa halip na manahimik, maglingkod sa halip na magbulag-bulagan, at makibaka laban sa mga ugat ng kahirapan at pang-aapi.

Inaanyayahan ang lahat na dumalo at makiisa sa pagbibigay-pugay sa rebolusyonaryong buhay ni Ka Chico. Sariwain ang kanyang mga naging ambag, pag-aralan ang kasaysayang kanyang kinapalooban, at unawain ang mga suliraning nagtutulak sa mamamayan na lumahok sa armadong tunggalian para itaguyod pambansang demokratikong pakikibaka ng sambayanan!

𝗠𝗔𝗕𝗨𝗛𝗔𝗬 𝗞𝗔, 𝗞𝗔 𝗖𝗛𝗜𝗖𝗢, 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡𝗜 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗠𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡𝗔𝗡!
𝗜𝗣𝗔𝗚𝗧𝗔𝗡𝗚𝗚𝗢𝗟 𝗔𝗡𝗚 𝗔𝗕𝗥𝗔 𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗚-𝗔𝗔𝗕𝗨𝗦𝗢 𝗔𝗧 𝗠𝗜𝗟𝗜𝗧𝗔𝗥𝗜𝗦𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡!
𝗟𝗨𝗧𝗔𝗦𝗜𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗨𝗚𝗔𝗧 𝗡𝗚 𝗔𝗥𝗠𝗔𝗗𝗢𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗡𝗚𝗚𝗟𝗜𝗔𝗡!

Address

Caloocan

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Anakbayan South Caloocan posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Organization

Send a message to Anakbayan South Caloocan:

Shortcuts

Share