04/08/2026
Liham para sa Aming Punong G**o, Dr. Rhodora Faustino Gonzales
Tatlong taon na ang lumipas mula nang dumating kayo sa aming paaralan. Sa loob ng maikling panahong iyon, hindi matatawaran ang paglago, pagbabago, at inspirasyong inyong naidulot sa buong komunidad ng Congress Elementary School.
Marami na po kayong nagawang magagandang pagbabago—mula sa mga bagong imprastraktura at mga naiparenobang bahagi ng paaralan hanggang sa mga kagamitang walang sawang ipinagkakaloob upang higit na mapadali ang pagtuturo at pagkatuto.
Ngunit higit pa sa mga pisikal na pagbabago, ang tunay naming hinahangaan ay ang inyong pamumuno. Kayo ay isang lider na hindi lamang nagbibigay ng utos, kundi nangunguna sa paggawa. Nakita namin kayong nagbubuhat ng mga upuan, nagtutulak ng malalaking bentilador, umiikot sa bawat sulok ng paaralan upang tiyaking maayos ang lahat, nagpapabasa sa mga bata, at maging sapag-aayos at pagkukumpuni ilangkagamitan ay hindi kayo nag-aatubiling tumulong. Ang inyong sipag, kababaang-loob, at dedikasyon ay nagsisilbing inspirasyon sa aming lahat.
Tapat at may malasakit ninyo ring ginagabayan ang bawat g**o, habang patuloy na isinasapuso ang kaligtasan, kapakanan, at kalidad ng edukasyon para sa bawat mag-aaral. Tunay ngang ang inyong paglilingkod ay puno ng puso, integridad, at pagmamahal.
Maraming salamat po, Ma'am, sa tatlong taong walang sawang paglilingkod at pamumuno. Dalangin namin na patuloy kayong pagpalain, bigyan ng mabuting kalusugan, lakas, at proteksiyon ng Poong Maykapal upang mas marami pa kayong buhay na maantig at mabago.
HAPPY 3rd ANNIVERSARY as Principal of Congress Elementary School, Dr.Gonzales!
Mula sa aming mga puso, na may taos-pusong pagmamahal at pasasalamat,
— Ang mga G**o ng Congress Elementary School