11/08/2026
IKA-6 NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG KAY KA RANDY ECHANIS: HUSTISYA AT PANANAGUTAN ANG SIGAW NG MASANG ANAKPAWIS!
Anim na taon na ang lumipas mula nang paslangin si Randall “Ka Randy” Echanis, beteranong lider-magsasaka, dating Pambansang Tagapangulo ng Anakpawis Party-list, at matagal na tagapagtaguyod ng tunay na repormang agraryo, karapatan ng magsasaka at makatarungang kapayapaan. Sa kanyang makabuluhang buhay, buong tapang niyang ipinaglaban ang interes ng mga magsasaka at maralita, at ang isang lipunang malaya sa pagsasamantala, pang-aapi at kawalang-katarungan. Noong Agosto 10, 2020, sa ilalim ng kriminal na rehimen ng berdugong si Rodrigo Duterte, marahas na pinaslang si Ka Randy sa kanyang tinutuluyan sa Quezon City. Anim na taon na ang lumipas ngunit nananatiling walang hustisya, at walang sapat na pananagutan sa krimeng kumitil sa buhay ng isang lider na buong buhay na naglingkod sa sambayanan. Nananatiling sigaw ng masang anakpawis at magbubukid ang panawagang hustisya at pagpapanagot sa mga pasistang berdugo na hanggang ngayon ay patuloy sa kanilang mga brutal na atake sa sambayanang Pilipino.
Ang pagpaslang kay Ka Randy ay hindi hiwalay na krimen kundi bahagi ng malawakang pag-atake ng estado laban sa mga nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka, manggagawa, maralita at iba pang tagapagtaguyod ng pambansang demokrasya. Sa ilalim ni Duterte, lumaganap ang kultura ng kawalang pananagutan, redtagging, panggigipit, at pampulitikang pamamaslang–at hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang nalulutas ang maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos Jr., nagpapatuloy ang mga ulat ng parehong pasistang atake. Walang pinag-iba ang kriminal na rehimeng Duterte sa kontra-anakpawis, kontra-magbubukid, at kontra-mamamayang paghahari ni Marcos. Nagbabago man ang nasa puder ng kapangyarihan, hindi nagbabago ang hamon: wakasan ang kawalang pananagutan at singilin ang rehimeng Marcos Jr. sa pagpapatuloy nito ng terorismo ng estado laban sa sambayanan.
Sa ika-6 na taon ng kawalang hustisya para kay Ka Randy, patuloy ang paniningil ng masang anakpawis ng hustisya at pananagutan. Kasama sa laban para sa hustisya ay ang paniningil sa kasalukuyang rehimen na dumarami ang biktima ng pasistang atake, mga maralita sa kanayunan at kalunsuran, kababaihan, kabataan at iba pang aping sektor. Higit sa lahat, hamon sa rehimeng Marcos Jr., na tugunan ang ugat ng armadong paglaban sa kanayunan ng aping mamamayang Pilipino. Panawagan sa malawak na mamamayan na suportahan ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines, ang pagpapatupad sa Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law, promosyon ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms, at repormang pulitikal. Aspirasyon ng buong sambayanang Pilipino ang pangmatagalang kapayapaan, na nakabatay sa hustisyang panlipunan. Hamon din sa masang anakpawis, magbubukid, kababaihan at kabataan na itaas ang paggunita at pag-alala kay Ka Randy sa pamamagitan ng puspusang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Sigaw ng masang anakpawis,
Hustisya para kay Ka Randy Echanis!
Panagutin ang kriminal na si Duterte at mga pasistang kasapakat nito!
Singilin ang rehimeng Marcos Jr. sa kawalang hustisya at pagpapatuloy sa terorismo ng estado!
Ipaglaban ang lupa, karapatan, kapayapaan at kalayaan para sa uring anakpawis!