08/04/2026
PRICE WATCH: MAS MAHIGPIT NA BANTAY-PRESYO, PINATIBAY SA DAGUPAN
Pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod (SP) ang mas pinaigting na pagbabantay at pagpapatupad ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Dagupan.
Sa resolusyong inihain ni Councilor Danielle Francine B. Canto, hinihikayat ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang inspeksyon sa mga pamilihan, supermarket, at iba pang establisimyento upang matiyak ang pagsunod sa suggested retail prices at maiwasan ang overpricing.
Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng gastos dahil sa inflation, paggalaw ng presyo ng langis, at mga suliranin sa suplay na lalo pang nagpapabigat sa mga pamilya, lalo na sa mga nasa mababang kita.
Pinatitibay din ng Pamahalaang Lungsod ang koordinasyon sa City Price Coordinating Council upang maprotektahan ang mga mamimili at mapanatili ang patas na presyo sa buong lungsod.
Ngayong umaga, nagsagawa ng price monitoring ang mga opisyal ng DTI Pangasinan sa isang supermarket sa Dagupan at tiniyak na walang magiging pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga supermarket hanggang Abril 16, 2026, sa kabila ng umiiral na tensyon sa Middle East.
Matatandaang unanimously approved ng konseho noong nakaraang linggo ang resolusyon ni Coun. Canto sa ilalim ng pamumuno ni Vice Mayor Dean Bryan “BK” Kua.
Ayon may Mayor Belen T. Fernandez, “mahigpit nating babantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin upang maprotektahan ang bawat pamilyang Dagupeño. Hindi tayo papayag sa overpricing at anumang uri ng pananamantala. Sa tulong ng DTI at ng ating City Price Coordinating Council, titiyakin nating may sapat na suplay at makatarungang presyo para sa lahat.”
Source: Sangguniang Panlungsod