23/01/2026
PABATID: UKOL SA MUTUAL NA RESPONSIBILIDAD, AKTIBONG PAKIKILAHOK, AT MGA HAKBANG BAGO ANG PAGTANGGAL SA PROGRAMA
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang programang nagbibigay-oportunidad sa mga benepisyaryo na mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga anak at mapalakas ang kakayahan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pinansyal na tulong, serbisyong panlipunan, family development sessions at case management interventions.
Kasabay ng mga serbisyong ito, ang 4Ps ay isa ring conditional cash transfer program na nakabatay sa mutual o magkatuwang na responsibilidad ng pamahalaan at ng mga benepisyaryo. Ang tulong-pinansyal na ibinibigay ng programa ay kaakibat ng aktibong pakikilahok ng pamilya sa mga gawain at serbisyong naglalayong mapabuti ang kalusugan at edukasyon ng mga bata, mapalakas ang kakayahan ng pamilya, at ihanda sila sa isang maayos at marangal na pag-angat mula sa kahirapan.
Pagbibigay-diin sa Co-Responsibility
Bilang mga benepisyaryo ng 4Ps, kayo ay kusang sumang-ayon na tutupad sa mga responsibilidad na nakapaloob sa Oath of Commitment, kabilang ang aktibong pakikilahok sa mga itinakdang gawain ng programa.
Kasabay nito, ang 4Ps ay may pananagutang:
Magbigay ng malinaw na impormasyon at gabay hinggil sa mga responsibilidad ng benepisyaryo
Magpatupad ng case management at angkop na interbensyon batay sa kalagayan ng pamilya
Tiyakin ang due process at makataong pagtrato sa lahat ng benepisyaryo
Ang mga sumusunod na gawain ay mahalagang bahagi ng pagtitiyak na ang tulong ng 4Ps ay nagagamit nang wasto at nakakatulong sa pangmatagalang kapakanan ng pamilya:
Pagdalo sa Family Development Sessions (FDS)
Aktibong pakikilahok sa case management at pakikipag-ugnayan sa itinalagang case manager
Pakikilahok sa mga panayam at pagbibigay ng tapat at wastong impormasyon sa isinasagawang Social Welfare and Development Indicator (SWDI) assessment
Pagpapa-rehistro sa Philippine Identification System (PhilSys)
Pagproseso at pagpapanatili ng aktibong bank account
Pagsunod sa iba pang opisyal na itinakdang program requirements ng 4Ps
Paglilinaw Hinggil sa Hindi Paglahok
Sa mga pagkakataong ang isang benepisyaryo ay sadyang tumatanggi na makibahagi o paulit-ulit na tumatangging sumunod sa mga itinakdang responsibilidad, kahit matapos ang malinaw na pagpapaliwanag, paalala, at tulong ng programa, maaaring maapektuhan ang kanilang pananatili sa 4Ps, alinsunod sa umiiral na patakaran.
Ang ganitong sitwasyon ay itinuturing na willful non-participation o persistent refusal to comply at maaaring maging batayan para sa delisting, bilang huling hakbang lamang kapag ang lahat ng suportang maaaring ibigay ng programa ay naipatupad na.
Proseso Bago Isaalang-alang ang Delisting
Bago isaalang-alang ang pagtanggal ng isang pamilya sa programa, tinitiyak ng 4Ps na ang benepisyaryo ay:
Lubos na nakakaunawa sa kanilang mga responsibilidad at sa kahalagahan nito
Nabigyan ng sapat na gabay, paalala, at tulong, kabilang ang home visits at iba pang interbensyon
Napasailalim sa komprehensibong case management, alinsunod sa itinatakdang proseso at prinsipyo ng due process
Samantala, kung ang isang benepisyaryo ay kusang loob na magpasya na hindi na makilahok sa programa, maaari silang mag-waive mula sa 4Ps sa pamamagitan ng tamang proseso at pagpapaalam sa kanilang City o Municipal Link.
Para sa Karagdagang Impormasyon
Para sa paglilinaw o iba pang katanungan, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong City o Municipal Link, bumisita sa pinakamalamit na DSWD Field Office, o maghain ng inyong hinaing sa pamamagitan ng mga opisyal na grievance channels ng programa.