30/03/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NG LOKAL NA PAMAHALAANG BAYAN NG BAY KAUGNAY SA PAGPAPALIBAN NG FIESTA BAYEÑA: THE GARDEN FESTIVAL 2026
Alinsunod sa Executive Order No. 110, na nagdedeklara ng State of National Energy Emergency at nagbibigay pahintulot sa pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport mula sa Tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, minabuti ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Bay, sa pangunguna ni Mayor Jose O. Padrid, na ipagpaliban ang pagdiriwang ng Fiesta Bayeña: The Garden Festival 2026 na nakatakda sanang idaos mula Abril 25-30, 2026.
Ang desisyong ito ay isinagawa bilang pakikiisa at pagsunod sa mga umiiral na direktiba ng pamahalaang nasyunal, gayundin upang matiyak ang maayos at responsableng paggamit ng pondo ng bayan sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon na kinakaharap ng ating bansa.
Taos-puso pong humihingi ng paumanhin ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng Bay sa lahat ng ating mga kababayang naghanda at naglaan na ng oras, pagod, at sakripisyo para sa nasabing pagdiriwang. Lubos naming nauunawaan ang kahalagahan ng pagdiriwang bilang bahagi ng ating kultura, pagkakaisa, at pagkakakilanlan bilang mga Bayeños.
Kaugnay nito, ang pagdiriwang ng Fiesta Bayeña 2026 ay ililipat sa buwan ng Agosto 2026. Ang pagbabagong ito ay isinasagawa upang mas matiyak ang sapat na paghahanda, maayos na pamamahala ng pondo ng bayan, at higit sa lahat, ang kapakanan at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Nais naming ipabatid sa publiko na ang lokal na pamahalaan ay nananatiling nakatuon sa pagtugon sa kasalukuyang hamon na dulot ng energy emergency. Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na mapanatili ang katatagan ng ating komunidad at matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo-publiko sa ating mga kababayan.
Hinihikayat namin ang patuloy na kooperasyon at pag-unawa ng bawat isa sa panahong ito. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, malalampasan natin ang anumang pagsubok at maipagpapatuloy ang mga tradisyong nagbibigay-buhay sa ating bayan.
Maraming salamat sa inyong patuloy na suporta at malasakit.
Para sa tuloy-tuloy na pagsulong sa Bayan ng Bay!