08/11/2025
ππππ¬π’π‘π βπ¨πͺππ‘β (ππ¨π‘π-πͺπ’π‘π) ππππ’ π£ππ‘π ππ¨π ππππππ¦ πππππ‘π π£ππ£ππππ£ππ§ π¦π ππππ’π π₯ππππ’π‘
Lumalakas pa ang Bagyong Uwan (Fung-Wong) habang patuloy na lumalapit sa Bicol Region, ayon sa pinakahuling ulat ng DOST-PAGASA dakong alas-2:00 ng madaling araw ngayong Nobyembre 9, 2025.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 370 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 165 kilometro bawat oras at pagbugsong hanggang 205 kilometro bawat oras. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 35 kilometro bawat oras.
Ipinaiiral na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 sa Catanduanes, silangang bahagi ng Camarines Sur, timog-silangang Camarines Norte, at silangang Albay dahil sa inaasahang typhoon-force winds na may matinding banta sa buhay at ari-arian.
Signal No. 3 naman ang nakataas sa Aurora, Quezon (kabilang ang Polillo Islands), Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna, silangang Batangas, silangang Cavite, natitirang bahagi ng Camarines Norte at Sur, Albay, Sorsogon, Ticao at Burias Islands, at Northern Samar. Samantala, nasa Signal No. 2 ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas, kabilang ang Cagayan, Isabela, Nueva Ecija, Zambales, Bataan, Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Samar, at Biliran.
Patuloy namang binabalaan ang mga baybaying lugar ng Cagayan, Isabela, Ilocos, Pangasinan, Aurora, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, at Dinagat Islands laban sa posibleng storm surge na maaaring umabot o lumampas sa tatlong metro. Lubhang mapanganib ang paglalayag sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat.
Batay sa forecast track, inaasahang daraan ang mata ng bagyo malapit sa Catanduanes ngayong umaga at magla-landfall sa Aurora ngayong gabi o madaling araw ng Lunes. Posible rin ang direktang pagtama sa Catanduanes dahil sa patuloy na paglapit nito.
Inaasahang aabot sa super typhoon category si Uwan ngayong araw bago ito tuluyang tumama sa kalupaan. Mananatili itong typhoon habang tatawid sa Northern Luzon at lalabas ng West Philippine Sea sa Lunes.
Kahit malayo sa sentro, asahan ang malalakas na ulan, matitinding hangin, at mapanganib na storm surge sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao.
Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na maging alerto at maghanda laban sa posibleng pagbaha, landslide, at pinsala dulot ng malakas na hangin. Patuloy na sundin ang mga abiso mula sa inyong mga LGU at sa DOST-PAGASA.
Ang susunod na weather bulletin ay ilalabas alas-5:00 ng umaga ngayong Nobyembre 9.
Source: DOST-PAGASA Tropical Cyclone Bulletin No. 7 (2:00 AM, November 9, 2025)