21/08/2026
Bayanihan ng Sandoval Hito Producer Association, Pundasyon ng Mas Matatag na Kabuhayan
SANDOVAL, BATARAZA, PALAWAN — Nagkaisa ang mga miyembro ng Sandoval Hito Producer Association, kapwa babae at lalaki, sa isang bayanihan upang sama-samang maitayo ang kanilang concrete pond na paglalagyan at pagpapalaki ng mga fingerlings.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan at sama-samang paggawa, ipinakita ng bawat miyembro ng asosasyon ang kanilang dedikasyon upang maisakatuparan ang kanilang layunin na magkaroon ng isang sustainable na kabuhayan mula sa pag-aalaga ng hito.
Malaking katuwang ng asosasyon ang WPU-ATBI/HTBI & NC-BREED, na nagkaloob ng libreng training upang madagdagan ang kaalaman at kasanayan ng mga miyembro sa tamang pag-aalaga at produksyon ng hito. Bukod dito, nakatakda ring magbigay ang WPU ng mga fingerlings na magsisilbing panimulang puhunan ng asosasyon para sa kanilang fish production project.
Sa kasalukuyan, isa na ring rehistradong organisasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang Sandoval Hito Producer Association. Ang pagkakaroon ng legal na rehistro ay patunay ng kanilang pagkakaisa, organisadong pamamahala, at kahandaan na makipag-ugnayan sa iba't ibang ahensya upang makakuha ng karagdagang programa, suporta, training at livelihood opportunities.
Ang simpleng concrete pond na kanilang sama-samang itinayo ay higit pa sa isang pasilidad. Ito ay simbolo ng bayanihan, pagkakaisa at determinasyon ng mga miyembro na maiangat ang kanilang kabuhayan.
Mula sa sama-samang paggawa, patungo sa sama-samang pag-unlad—ang Sandoval Hito Producer Association ay patuloy na bumubuo ng pundasyon para sa mas matatag at pangmatagalang kabuhayan ng kanilang mga miyembro.