03/04/2024
Walang magawang tama ang 59th IBPA sa lalawigan. Pabigas? Clean-up drive? Seminar? Lahat, paghuhugas-kamay sa dugo ng mga Batangueño na kanilang itinago at pinaslang.
SUNDALONG SINUNGALING, WALANG MAGAWANG MAGALING!
PAPANAGUTIN ANG 59TH IBPA SA PAMBABALASUBAS SA MGA MAMAMAYAN NG BATANGAS!
Kinukundena ng Tanggol Batangan ang tahasang kasinungalingan at paghuhugas-kamay ng 59th Infantry "Protector" Battalion, Philippine Army sa karumal-dumal na mga krimen nito sa kababaihan at kabataan ng Batangas.
Ubod ng sinungaling at walang-kaparis ang kabalahuraan nito na animo'y sila pa ang biktima ng 'akusasyon' samantalang malinaw na naiulat sa baranggay ang nakaraan lamang na kaso ng panghihipo at pangmomolestiya ng isang opisyal nila noong nakaraang ika-28 ng Marso sa isang bata, at panununtok at panunutok ng baril nito sa isa, na pawang mga menor-de-edad at naliligo lamang sa ilog.
Gayundin, hindi totoong sinusunod ng 59th IBPA ang International Humanitarian Law (IHL) sapagkat makailang-ulit nang nakapagtala ang iba't-ibang human rights organization tulad ng Karapatan Southern Tagalog at Mothers and Children for the Protection of Human Rights - MCPHR ng maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa pangunguna ng 59th IBPA. Isa na rito ang walang-habas na pagpatay sa batang si Kyllene Casao noong July 2022 - na walang-konsensya nilang pinagtakpan at isinisi sa mga 'di-umano'y rebelde, samantalang malinaw sa fact-finding mission at sa salaysay ng mga sakaing lokal na sila ang pumaslang sa bata.
Kamakailan lamang, walang kaabog-abog din nitong sinalakay ang mga tinutuluyang bahay ng mga volunteer researcher ng Kasama - TK at walang patumanggang tinutukan ng baril ang mga ito sa kalagitnaan ng gabi noong ika-24 ng Marso, 2024 habang sila ay nagsasagawa ng pananaliksik hinggil sa epekto ng El Niño sa mga magsasaka ng tubó ng Brgy. Sampaga, Balayan, Batangas. Hindi na rin ito iba sa paulit-ulit nang serye ng intimidasyon, paniniktik, panggugulo, at pagbabanta na inilalatay nila sa mga kasapi at volunteer ng Kaisahan ng mga Manggagawang Bukid sa Batangas, ng Sugarfolks' Unity for Genuine Agricultural Reform - Batangas, at ng Samahan ng Magbubukid sa Batangas.
Nananawagan ang Tanggol Batangan sa lahat ng nagmamahal sa hustisya, karapatan, at kapayapaan na sama-samang kundenahin at papanagutin si. Lt. Col. Ferdinand Bruce M. Tokong at ang kaniyang uhaw-sa-dugo at sinungaling na kasundaluhan ng 59th Infantry Battalion sa kanilang paulit-ulit at masahol na krimen sa mamamayang Batangueño.
Malinaw ang mga batayan kung bakit dapat silang palayasin na sa probinsya ng Batangas, gaya nang nauna nang pagpapalayas sa kanila ng mga mamamayang Quezonin! Mainaw ang mga batayan kung bakit dapat palakasin ang panawagan para palayasin na ang lahat ng militar sa ating kanayunan!