13/07/2026
💍 Baysanang Bayan 2026: Dalawampung Pusong Pinag-isa sa Pag-ibig at Paglilingkod 💖
Noong Hulyo 9, 2026, ganap na alas-9:00 ng umaga sa Batangas City Convention Centre, matagumpay na idinaos ang Baysanang Bayan 2026, kung saan 20 magkasintahan ang opisyal na nagsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay bilang mag-asawa.
Pinangunahan ni Judge Maria Socoro Godoy ang seremonya ng kasal at nagbigay ng taos-pusong mensahe sa mga bagong kasal. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagmamahalan, paggalang, pagtitiwala, at pagtutulungan sa pagharap sa mga hamon ng buhay mag-asawa. Ang kanyang mga payo ay nagsilbing inspirasyon at gabay sa kanilang paglalakbay bilang isang pamilya.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, ipinagkaloob sa bawat mag-asawa ang kanilang "sabit" na inihatid sa kani-kanilang tahanan isang araw bago ang kasal. Kabilang dito ang sariwang karne, mga rekado o sangkap sa pagluluto, at 25 kilong bigas bilang munting handog ng pamahalaang lungsod upang makatulong sa kanilang pagsisimula bilang mag-asawa.
Sa araw mismo ng seremonya, tumanggap din ang bawat mag-asawa ng nakaframe na larawan ng kanilang kasal bilang isang espesyal at pangmatagalang alaala ng napakahalagang araw na ito.
Ang Baysanang Bayan 2026 ay patunay ng patuloy na malasakit ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas, sa pangunguna ni Mayor Marvey C. Marino, sa pagsusulong ng matatag na pamilya at pagbibigay ng makabuluhang serbisyo sa bawat Batangueño.
Mula sa buong Office of the City Civil Registrar of Batangas City (OCCRBC), taos-puso naming binabati ang lahat ng bagong kasal. Nawa'y manatiling matatag ang inyong pagsasama at patuloy na pagpalain ang inyong pagsisimula bilang isang pamilya.
Maligayang bati sa ating 20 bagong mag-asawa! ❤️💐