16/04/2026
PCCI CATANDUANES AT DTI, MAGLULUNSAD NG MSME BUSINESS FUND PARA SA MGA NEGOSYANTE
VIRAC, Catanduanes — Nag-anunsyo ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Catanduanes Chapter, sa pamumuno bilang pangulo
ni Ma. Cleofe R. Laynes, ng isang mahalagang aktibidad kaugnay ng MSME Business Fund na layong tulungan ang mga negosyante sa lalawigan na makabangon at makasabay sa hamon ng krisis sa Middle East.
Isasagawa ang nasabing aktibidad sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Biyernes, Abril 17, alas-9 ng umaga sa Shopbox Cinema, ika-4 na palapag ng Shopbox Building sa San Jose Street, Virac.
Ayon sa PCCI, maaaring umutang ang mga kwalipikadong negosyante mula ₱30,000 hanggang ₱5 milyon nang walang kinakailangang kolateral. Mayroon ding isang taong palugit kung saan hindi muna kailangang magbayad ng kapital at interes, at maaari itong hulugan buwan-buwan hanggang limang taon.
Ipinaliwanag din na ang DTI ang mangunguna sa pagbibigay ng detalyadong impormasyon hinggil sa programa at tutulong sa pagtanggap at pagproseso ng mga aplikasyon.
Pinapayuhan ang mga interesadong aplikante na magdala ng mga sumusunod na dokumento:
* Government-issued ID
* Mayor’s Business Permit
* Katibayan ng bank account
* Mga larawan ng negosyo (signage, imbentaryo, at mga kagamitan)
Gayunman, bukas din ang aktibidad para sa mga nais munang makiisa sa orientation kahit hindi pa kumpleto ang mga requirements.
Hinihikayat ng PCCI Catanduanes ang mga negosyante sa lalawigan na samantalahin ang pagkakataong ito upang mapalago ang kanilang kabuhayan sa kabila ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya. Inaanyayahan din ang publiko na ipaalam ang programang ito sa mas nakararami upang mas maraming negosyo ang makinabang sa naturang pondo. | - Arlene O. Bagadiong
Source : Ms. MacLo Laynes| DTI