29/04/2026
KABATAAN MAKIPAGKAISA SA MASANG ANAKPAWIS, TUMINDIG SA GITNA NG KRISIS!
Siguro patulog ka na ngayon o kakauwi lang galing trabaho? Bukas, bagong araw ulit ng pakikipagsapalaran sa pila ng jeep, pagsusumikap makapasok sa eskuwelahan nang tamang oras, at pagtitipid sa gitna ng kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Napatanong ka na ba kung hanggang kailan ba tayo magtitiis sa ganito?
Gets mo ba ako, pero bakit may mga nagmimistulang naghahari-harian kahit ganito. Habang si Ramon Ang, kasama sila Marcos Jr at Sara Duterte na tuloy-tuloy ang pagpapayaman pero tayong mga ordinaryo ang patuloy na nagdurusa. Kahit tumunganga lang sila ng buong araw, panigurado may papasok na salapi sa kanilang bulsa. Habang tayo, kinakailangang makikipagsiksikan sa lansangang binabalot ng lagkit at pawis, pinapasan ang karampot na sahod, gutom, at kawalan ng seguridad sa buhay.
Habang sinusulat ko ito, pinipilit ko pa rin mangarap. Kahit kulang sa baon, walang pambayad ng tuition, nagtitiis sa gutom, at kailangan pang kumayod para makakain. Minsan hindi ko maiwasan mabalot ng pangamba, na baka magkulang na rin yung barya para sa pamasahe at baka hindi ko marating ang aking destinasyong may ginhawa.
Makatarungan ba ang ganitong kalagayan?
Sigurado akong hindi ako nag-iisa. May mga katulad din akong nangangarap kahit magkakaiba ang pinaroroonan. Sabi nga iba-iba anglandas na tinatahak… yung iba nag-aaral at nagpapakadalubhasa sa paaralan para maging balon ng murang lakas-paggawa… yung iba nasa pagawaan at pabrika para lumikha ng yaman… yung iba nagtatanim at umaani ng pananim na hindi nila nakakain… yung iba puno ng militansya, hindi naman pinanganak na nakataas ang kamao pero handang abutin ang kasulok-sulukan ng mga sitio at baryo para magmulat.
Magkakaiba ang kinatatayuan ng mga kabataan pero may pagkakapareho, lahat ay pinagsasamantalahan. Sa mga kwento ng nauna, may pangarap din sila para sa lahat… pero walang nakamit na hindi nagkakaisa sa pangunguna ng masang anakpawis. Hindi kita kilala pero alam kong nasa iisang krisis tayo ngayon. Kung pagod ka na tulad ko, huwag kang matakot na humawak ng placard at ibigkis ang kamao ng pakikiisa.
Holiday sa isang araw, kita-kits?