05/06/2018
MAKIBEKI, MAKIWARLA, HUWAG MASHOKOT!
Ang buong Youth Reform Movement – Philippines (YRM PH) ay nakikiisa sa buong sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng taunang Pride Month ngayong buwan ng Hunyo. Muli, pagkakataon natin ito upang iladlad ang makulay nating kapa na hinabi mula sa ating mga kawsa at nilikha ng karaniwang mamamayang matagal nang lumalaban para sa pagpapaunlad sa pansariling kakayahan ng bawat isa upang may maiambag sa pagsulong ng ating pamayanan nang walang anumang panghuhusga at diskriminasyon na magiging balakid dito.
Sa isang konserbatibong bansa katulad ng Pilipinas, suntok sa buwan sa unang banda na buwagin ang diskriminasyon sa kasarian. Nagiging batayan ng paghahambing sa antas ng kalakasan at katalinuhan ang kasarian kung kaya’t kalalakihan ang itinuturing na higit na matapang, malakas, matalino, at may kakayahan kaysa sa kababaihan. Ito ang nakagisnang paniniwala na unti-unting naikintal sa isip ng mga nakatatanda: na kaya ng lalaki na lampasan ang mga babae at iba pang kasarian.
Suntok sa buwan nga ngunit unti-unti na rin itong nabuwag. Babae o lalaki ay may pantay na oportunidad na makapag-aral, makapaghanapbuhay, makaboto, at maging lideres sa mga kumpanya o sa pamahalaan.
Lumawak ang saklaw ng laban ni Juana! Naging inspirasyon siya sa kabaklaan, katomboyan, sa mga bisexual, transgender, qu**rs, asexual, pansexual o kahit mismo sa mga straight ngunit kakampi natin para sa pagkakapantay-pantay.
Kung ihahambing sa mga kababaihan, hindi ligtas sa diskriminasyon at panghuhusga ang mga kapatid natin sa LGBT+. Dahil sa itinuturing silang “iba” ng konserbatibong lipunan, hindi sila naiintindihan ng ating mga kababayan. Itinuturing na salot o kahihiyan sa kanilang pamilya. Nagiging sentro ng mapamintas na katatawanan. Nagiging biktima ng pagsasamantala. Napagkakaitan ng pagkakataong makahanap ng trabaho o makapagtayo ng negosyo dahil sa umano’y pagkakaiba sa kasarian. Napagkakaitan ng karapatan na maikasal sibil at magkaroon ng sariling pamilya dahil sa kawalan ng batas na may pagkiling sa kanila.
Dahil iba sa nakagisnan ang pagiging bakla, tomboy, o ano pa man, napagdududahan ang kakayahan ng ating mga kapatid na mabuhay nang marangal kagaya ng babae at lalaki.
Nawa’y maging instrumento nila tayo ng pag-asa upang mabago ang lipunan. Inaaanyayahan ang lahat na magkapit-bisig at manindigan para sa pagkakapantay-pantay sa kabila ng pagkakaiba sa kasarian, lahi, kulay, o antas ng buhay.
Ipinapanawagan nating maipasa na bilang batas ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill. Layon nito na lawakan pa ang kaalaman ng bawat Pilipino tungkol sa sekswalidad. Gayundin, isulong natin ang pagbabago sa depinisyon ng “marriage” sa ating Family Code upang masama roon ang same-sex civil unions. Pantay din na karapatan sa pagkakaroon ng sariling pamilya at sa ari-arian kagaya ng ordinaryong mag-asawa ang layon nito.
Ngunit, kasama ng mga proteksyon legal, malawak na pag-iisip pa rin ang gagamot sa sakit ng lipunang idinulot ng panghuhusga at diskriminasyon. Walang puwang sa pagiging Pilipino ang pagkakaroon ng isang makitid na pang-unawa.
Ibandila ang kulay ng pag-asa. Makibeki! Makiwarla! Huwag mashokot!