31/08/2026
DI SAPAT ANG “RESILIENCY” SA PANG-AABUSO NG MGA DINASTIYA SA PROBINSYA NG RIZAL!
Panagutin ang mga burukratang-kapitalista at mga kumakamkam sa yaman ng probinsya!
Halos isang buwan nang paulit-ulit na hinaharap ng mga Rizaleño ang matinding pag-ulan, pagbaha, landslide at iba pang panganib dulot ng Habagat at mga bagyo. Sa bawat pagtaas ng tubig at pagguho ng lupa, muling nalalagay sa panganib ang buhay, kabuhayan at ari-arian ng mamamayan. Mula hilaga hanggang timog ng lalawigan, hindi na bago ang paglikas, pagkawala ng kabuhayan at pangambang baka hindi na makabalik nang ligtas sa sariling tahanan.
Noong Agosto 5, dalawang kabataan, edad 22 at 20, ang nasawi matapos tamaan ng mga gumuhong bato sa isang rockslide malapit sa Wawa Dam sa Rodriguez. Sa parehong panahon ng matinding pag-ulan, isa ring lalaki ang nasawi sa Antipolo matapos tamaan ng bumagsak na puno, habang isang lalaki naman ang namatay dahil sa pagkalunod sa Binangonan. Apat na buhay na ang nawala sa magkakaibang insidenteng kaugnay ng matinding panahon sa Rizal.
Pagsapit ng Agosto 10, idineklara ang Rodriguez (Montalban) bilang nasa "State of Calamity" dahil sa lawak ng pinsalang dulot ng matinding pagbaha at tuloy-tuloy na pag-ulan. Ipinakita nito kung gaano kalubha ang naging epekto ng kalamidad sa mga komunidad ng bayan.
Ngunit hindi rito nagtapos ang panganib.
Noong Agosto 29, muling nakaranas ng mabilis na pagtaas ng tubig at flash floods ang ilang bahagi ng Rodriguez. Umabot sa humigit-kumulang 1,800 pamilya mula sa walong barangay ang naapektuhan at napilitang lumikas habang nagsasagawa ng rescue operations hanggang magdamag. Sa gitna ng patuloy na masamang panahon, muling nasubok ang kakayahan ng mga komunidad na harapin ang baha at iba pang panganib.
Ang sunod-sunod na insidenteng ito ay hindi maaaring basta ituring na mga hiwa-hiwalay na natural na kalamidad. Totoong hindi natin kontrolado ang lakas ng ulan at bagyo, ngunit may mga kondisyong matagal nang nililikha at pinalalala ng mga patakaran sa paggamit ng lupa, likas na yaman at imprastraktura.
Sa Rizal, malawak ang kabundukan, kagubatan at mga watershed na nagsisilbing natural na panangga ng mga komunidad laban sa baha at pagguho ng lupa. Ngunit sa loob ng maraming taon, patuloy na sinasalaula at sinisira ang mga ito dahil sa malalaking interes sa negosyo. Ang quarrying, malawakang pagkuha ng materyales at iba pang operasyon sa kabundukan ay nagdudulot ng pagkasira ng lupa, pagguho at pagdami ng sediment na napupunta sa mga ilog at daluyan ng tubig.
Sa halip na pangalagaan ang Sierra Madre bilang mahalagang panangga ng mga komunidad, patuloy itong itinuturing bilang pinagkukunan ng materyales at tubo.
Kasabay nito ang pagtatayo at pagpapalawak ng malalaking proyekto sa tubig, enerhiya at imprastraktura sa lalawigan, kabilang ang Wawa Dam at iba pang malalaking proyekto sa kabundukan ng Rizal. Sa ngalan ng “development,” patuloy na binabago ang kalikasan at mga komunidad. Ngunit hindi tunay na pag-unlad ang isang proyektong ang kapalit ay pagkasira ng kapaligiran, pagkawala ng kabuhayan at pagtaas ng panganib sa mamamayan lalo na sa panahon ng kalamidad.
Lalong lumilitaw ang problema sa usapin ng flood control. Sa kabila ng napakalaking pondong inilalaan para sa mga proyektong pangontra sa baha, nananatiling bulnerable ang maraming komunidad sa Rizal. Paulit-ulit na binabaha ang mga lugar, nasisira ang imprastraktura at napipilitang lumikas ang mamamayan.
Kung napakalaki ng pondong inilaan para sa flood control, bakit nananatiling ganito kalala ang problema?
Hindi sapat ang “resiliency” kung ang ibig sabihin nito ay paulit-ulit na pagtitiis ng mamamayan sa pinsalang maaari namang mabawasan. Hindi resiliency ang paglikas taon-taon. Hindi resiliency ang muling pagtatayo ng bahay matapos masira. Hindi resiliency ang pagkawala ng kabuhayan. At lalong hindi resiliency ang pagkamatay ng mga Rizaleño.
Ang tunay na resiliency ay nangangailangan ng ligtas na komunidad, maayos na imprastraktura, protektadong kabundukan at watershed, disenteng kabuhayan, mabilis na disaster response at pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
Kaya hindi lamang ayuda kundi kumpensasyon ang kahilingan ng mga Rizaleño para sa mga nasalanta at pananagutan sa mga nagpabaya at nakinabang sa sistemang patuloy na naglalagay sa mamamayan sa panganib.
Maniningil ang mamamayang Rizaleño sa mga opisyal na nagpabaya sa kanilang tungkulin, sa mga kumamkam ng pondong dapat sana’y napunta sa flood control at disaster response, sa mga negosyong patuloy na kumikita mula sa likas na yaman habang ang mga maralita ang sumasalo sa pinsala.
Ang pagbaha sa Rizal ay hindi lamang problema ng isang bayan. Ito ay usapin ng buong lalawigan mula Rodriguez hanggang Antipolo at sa iba pang komunidad na patuloy na nalalagay sa panganib.
Karapatan ng bawat Rizaleño ang ligtas na komunidad, protektadong kalikasan, disenteng kabuhayan at pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
Mga Rizaleño, ilantad ang galit sa lansangan! Makibahagi at makiisa sa panawagan! Panagutin ang mga korap at burukratang-kapitalista! Singilin ang mga dambuhalang negosyong nakikinabang sa yaman ng Rizal! Igiit ang kompensasyon para sa mga nasalanta at tunay na pangmatagalang solusyon sa pagbaha!
# # #