24/08/2026
Matagal na nating inaasikaso ang problema sa drainage sa Sumulong Highway, tapat ng Xentro Mall na malapit sa Narra St., Josefina Subdivision, Brgy. Mambugan.
Dahil NATIONAL HIGHWAY ang lugar, inilapit natin ito sa DPWH taong 2022 para mahanapan ng mas maayos at pangmatagalang solusyon kasama na din ang kaukulang pondo mula congress.
Matapos ang 3 taon na isinubo sa congress, sa wakas, ayon sa DPWH, sa tulong ni Deputy Speaker at Congressman Ronnie Puno, may pondo na para sa proyekto noong January 2026. Pero dahil kabilang ito sa mga flood control projects ng NATIONAL GOVERNMENT, hindi agad pinagawa noong January 2026 kahit may pondo na dahil kinailangan itong dumaan sa masusing pagsusuri muli, lalo na sa presyo, disenyo at iba pang technical requirements matapos pumutok ang issue sa flood control projects ng DPWH sa buong bansa.
Kasunod ng mga naging kontrobersiya sa flood control projects, minabuti ng NATIONAL Government na busisiin at i-review ang mga proyekto upang matiyak na Hindi magiging SUBSTANDARD ang disenyo at hindi OVERPRICED ang presyo. In short, hindi nasimulan ng DPWH dahil pinahold o pinatigil ang lahat ng mga flood control projects sa bansa sa kagustuhan ng ating mahal na Pangulo na siguruhing walang overpricing o anumang anomalya na mauulit.
Matapos magsagawa ng panibagong site assessment sa kasalukuyang drainage, noong nagdaang buwan (July 30, 2026) ay nai-bid na ang proyekto, kasama ng iba pang flood control projects ng NATIONAL Government sa bansa.
May isa pang kinailangan ayusin ang DPWH bago tuluyang makapagsimula... at ito ay ang relokasyon o pabahay.
Nakaraang taon pa natin sila tinutulungan na makakuha ng pabahay mula sa NHA dahil ayon sa batas, (at dapat lang naman) kailangan bigyan ng Pamahalaan ng malilipatan o relokaayon ang mga maaapektuhan ng flood control project bago pa man masimulan ito... kasama po dito ang mga informal settler families (ISFs). Nitong July 2026, sa wakas ay nagbigay na ang NHA ng relocation kung saan maaaring mailipat ang mga kababayan nating apektado ng ipapatupad na project ng DPWH.
Mula sa 75 families, nasa 30 na lamang ang kasalukuyang pinoproseso para sa kanilang paglilipat.
Patuloy ang pangungulit natin sa NHA, DPWH at Barangay para masimulan ng DPWH ang proyektong ito ngayong taon.