10/09/2025
PNP DRUG-BUST SA ILOILO: ₱4.4M SHABU NAKUMPISKA, 5 SUSPEK ARESTADO
Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga, nadakip ng mga pulis sa Iloilo ang limang suspek at nakumpiska ang tinatayang 650 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱4,420,000.00 sa Brgy. Padios, Sara, Iloilo noong Setyembre 6, 2025.”
Ang pinagsanib na operasyon na pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO) katuwang ang PIU-IPPO, RID6, Sara Municipal Police Station, at 2nd Iloilo Police Mobile Force Company ay nagresulta sa pagkakaaresto ng limang katao, kabilang ang isang high-value individuals na nasa watchlist at ilang street-level individuals.
Narekober mula sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, isang homemade caliber 9mm revolver, at iba pang non-drug items. Ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya ay isinagawa sa presensya ng isang opisyal ng barangay at isang media representative.
Pinuri naman ng Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mga operatiba at binigyang-diin ang matatag na paninindigan ng PNP:
“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng ating buong pusong pagtupad sa panawagan ng Pangulo na wakasan ang mga sindikatong patuloy na sumisira sa buhay at kinabukasan ng ating mga kababayan. Hindi titigil ang PNP hangga’t hindi napapanagot ang mga sangkot sa illegal na droga.”
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek at isasailalim sa medical examination, booking procedures, at pagsasampa ng kaukulang kaso para sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act).