02/06/2026
Para po sa ating mga Barangay Health Workers sa buong lalawigan ng Aurora
Barangay Health Workers (BHW) Welfare Ordinance of the Province of Aurora, PASADO NA SA IKATLO AT HULING PAGBASA SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AURORA!
Isang makasaysayang tagumpay at pagkilala para sa mga bayani ng kalusugan sa ating mga barangay!
Labis po nating ikinalulugod na ibahagi na opisyal nang aprobado sa ikatlo at huling pagbasa ang Proposed Ordinance No. 11-067 o ang Barangay Health Workers (BHW) Welfare Ordinance. Ito po ay pinangunahan ng ating pangunahing may-akda na si Hon. Sheenalyn B. Tablang, kasama po ang inyong lingkod pati na si Hon. Ruel Joseph G. Angara bilang mga co-authors. Lubos po ang ating kagalakan na ang panukalang ito na naglalayong kalingain ang ating mga frontliners sa kalusugan ay ganap na nating naipasa!
Layunin po ng ordinansang ito na i-localize at paigtingin ang mga pambansang batas tulad ng RA 7883 (BHW Benefits and Incentives Act) at RA 11223 (Universal Health Care Act) sa pamamagitan ng pag-institutionalize ng mga benepisyo para sa ating mga accredited BHWs.
Sa ilalim ng po batas na ito, ginagarantiya ang tuluy-tuloy na pagkakaloob ng quarterly honorarium mula sa pondo ng Pamahalaang Panlalawigan, kasama ang mga benepisyong tulad ng PhilHealth National Health Insurance coverage, libreng konsultasyong legal mula sa ating Provincial Legal Office, prayoridad sa mga pagsasanay sa ilalim ng TESDA, PESO, at DOH, pati na ang tulong upang makuha ang kanilang Civil Service Eligibility.
Kikilalanin din ang kanilang mahabang panahon ng tapat na paglilingkod sa pamamagitan ng Service Acknowledgment Benefit sa kanilang pagre-retiro.
Higit sa lahat, titiyakin ng batas na ito ang proteksyon laban sa arbitraryo o walang katuturang pagtatanggal nang dahil lamang sa politika o diskriminasyon. Ang sinumang Punong Barangay na lalabag dito ay maaaring maharap sa kaukulang kasong administratibo, sibil, o kriminal. Kasabay nito, upang mapanatili ang neutralidad at integridad ng serbisyong pampubliko, ipinagbabawal din sa ilalim ng ordinansa ang paglahok ng mga BHW sa anumang partisan political activity, na may kaukulang parusa mula sa suspensyon hanggang sa pagkatanggal sa serbisyo para sa mga lalabag.
Maraming salamat po kay Hon. Sheenalyn Tablang, Hon. Ruel Joseph Angara, at sa buong Sangguniang Panlalawigan sa pagkakaisa para sa batas na ito. Ito po ang ating taos-pusong pagsaludo sa mga walang-pagod na nag-aaruga sa kalusugan ng ating lalawigan!