14/05/2019
Hindi man maisakatuparan ang ating ninanais na maging resulta ng nagdaang halalan, tayo po ay nananawagan sa lahat na irespeto ang naging proseso dahil ito ay bahagi ng ating demokrasya. Tao po tayo, hindi natin maitatago ang pagkadismaya, ngunit sa bandang huli, tayo po ay kailangang kumilos pa din mula sa puntong ito para sa ating pang-araw araw na buhay, para sa pamilya, at para sa bayan.
Hindi man natin mabawi ang kapitolyo para sa adhikaing maibalik ang sigla ng ating lalawigan, ngunit ang laban natin ay higit pa sa nagdaang halalan. Sa mga panahong ito na nananaig pa din ang corrupt na sistema, nais pa rin nating ipakita na mayroon pa ring tumatayo na may prinsipyo at paninindigan sa pag-asa na mamulat ang mga tao na hindi lang sa basta pera o impluwensya ang labanan. Nangangarap tayo na darating ang araw na mawawala tayo sa gapos ng corrupt na sistemang ito sa pamamagitan ng pangunguna ng kabataan, at mamamayan na matalino at may pakialam sa kapakanan ng bayan.
Higit sa lahat, asahan po ninyo na nandito pa rin si Governor Edno Joson, patuloy na magbabantay, at magmamasid, patuloy na magiging aktibo sa gawaing pang-kaunlaran at tutulong sa abot ng makakaya.
Maraming salamat po sa halos isang-daang libong TUNAY NA BOTO mula sa konsensya at puso ng Ecijano na ating natanggap sa lumipas na halalan. At sa mga bagong mamumuno sa ating lalawigan, ipinapaabot natin ang ating pagbati at inuudyok ko kayo na unahin ang kapakanan ng Ecijano, higit sa lahat.