16/02/2026
BeNHS, nag-uwi ng GINTONG MEDALYA sa DFOTT
Upang ipamalas ang kanilang husay at talento, walong mag-aaral mula sa Besao National High School ang aktibong lumahok sa idinaos na Division Festival of Talents Technolympics (DFOTT) na may temang “Empowering Skills, Shaping the Future” na ginanap sa Barlig, Mountain Province noong Pebrero 11–13, 2026.
Namukod-tangi at tunay na ibinida nina John Actdole Dalingay at Henrich Palangeo ang kanilang kahusayan matapos nilang masungkit ang Gintong Medalya sa kategoryang Cookery.
Samantala, nakamit naman nina Carl Andrae Beyden at Fred Balangyao Jr. ang Pilak na Medalya sa Technical Drafting at Cabin Craft, kung saan ipinamalas nila ang galing sa paggawa ng mga plano at disenyo.
Naitala naman sa ikaapat na puwesto sa Bread and Pastry Production sina Wesley Palangeo at Geyanda Isa-is, matapos nilang ipakita ang kanilang kakayahan sa paggawa at pagdidisenyo ng keyk.
Ani Heinrich Palangeo, kalahok mula sa Cookery, “Always be humble but confident, teamwork, and always respect each other. Bilang isang TVL student, ang pagiging gold medalist ay nagbigay sa akin ng labis na saya at pasasalamat. Lahat ng aking pagsusumikap, pag-eensayo, at sakripisyo ay nagbunga. May mga hamon sa aking pinagdaanan, ngunit hindi ako sumuko. Nang marinig ko ang aking pangalan na inanunsyo, nakaramdam ako ng halo-halong saya, pagmamalaki, at pasasalamat. Lahat ng puyat, hirap, at pagsubok na aking hinarap ay naging sulit.``
Bukod dito, lumahok at nakakuha ng ika-apat na pwesto sa Food Processing sina Gillian Pearl Busacay at Renza Fe Balangyao, na nagpamalas ng kanilang kaalaman sa pagproseso at wastong paghahanda ng pagkain.
Ang tagumpay na ito ay patunay ng dedikasyon, sipag, at determinasyon ng mga mag-aaral, gayundin ng patuloy na suporta ng paaralan sa paghubog ng kanilang kasanayan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan. Tunay ngang ibinida ng Besao National High School ang kanilang galing sa larangan ng teknikal at bokasyonal na edukasyon.
✍️Gracel Bitol & Jenny Grace Alacyang