05/10/2025
Noong 2020, panahon ni Rodrigo Duterte, si Elmer Cordero, 72 anyos at may iniindang hernia, ay ikinulong matapos sumama sa anim na jeepney drivers na nagprotesta sa Caloocan para payagan silang makapamasada muli sa gitna ng lockdown. Sa halip na kaunting konsiderasyon, hindi siya pinalaya dahil may pending estafa case kaugnay ng hindi nabayarang upa, kahit isa pang kaso laban sa kanya ay na-dismiss na noon pa. Habang nakikipaglaban lang siya para mabuhay at maitaguyod ang pamilya, ang sagot ng Palasyo: charges must be faced regardless of age. Walang awa, walang tinatawag na humanitarian grounds, kahit alam nilang marupok na ang kanyang katawan at payak lang ang dahilan ng kanyang pakikibaka.
Pero tingnan ang contrast ngayon. Si Rodrigo Duterte, dating pangulo at may kinakaharap na mas mabigat na kaso sa International Criminal Court — crimes against humanity dahil sa libo-libong EJK — ay mismong ipinaglalaban ng Senado na bigyan ng house arrest para raw sa humanitarian considerations. Si Elmer Cordero, isang pobreng tsuper, matanda at may sakit, walang humanitarian considerations at kinulong. Si Duterte, makapangyarihan, pinoprotektahan at ginagawan pa ng espesyal na resolusyon para sa kanyang ginhawa.
Ito ang malinaw na larawan ng hustisya sa bansa. Ang mahirap na lolo, walang awa. Ang makapangyarihang lider, sobra ang awa. Ginagawa ito ng mga senador hindi dahil sa prinsipyo, kundi para sa boto at para mapanatili ang kanilang political career habang sikat pa si Duterte. Ang tawag dyan ay hindi hustisya, kundi pribilehiyo na nakabalot sa kawalang hiya.