31/08/2025
Wika, Kultura at Pagkakaisa, Tampok sa Pagdiriwang ng SES sa Buwan ng Wika
Hindi lamang mga awit at sayaw ang bumuhay sa entablado ng Mababang Paaralan ng Sering noong Agosto 29. Sa bawat sigaw ng palakpak, sa bawat ngiti ng magulang, at sa bawat kumpas ng mga batang kalahok, dama ang tibok ng kulturang Pilipino na muling isinilang sa selebrasyon ng Buwan ng Wika 2025.
Mula sa mga mag-aaral ng Kindergarten hanggang sa ikaanim na baitang, umagos ang makukulay na pagtatanghal na nagbigay saysay sa tema ng selebrasyon. Ang kanilang mga awitin, tula, at sayaw ay hindi lamang aliw kundi paalala rin ng kahalagahan ng sariling wika bilang haligi ng ating identidad.
Isa sa pinakatampok na bahagi ng pagdiriwang ay ang Koronasyon ng Hari at Reyna ng Wika, kasama ang mga Prinsipe at Prinsesa na nagsilbing sagisag ng kariktan at karangalan ng wikang Filipino. Ang kanilang koronang kumikislap ay waring sumasalamin sa liwanag ng kulturang Pilipino na kailangang ipagpatuloy at ipagmalaki.
Nakadagdag ng higit na inspirasyon ang mensahe ni Dr. Florabel P. Mutia, Tagamasid Pampurok ng Distrito ng Rizal, na nagsilbing Panauhing Pandangal. Ang kaniyang mga salita, na akma sa tema ng selebrasyon, ay tila gabay sa mga kabataan upang higit pang pahalagahan ang wika at kalinangang Pilipino.
Sa pangunguna nina Gng. Jellah C. Suyman, Ulong G**o ng SES, at ng mga g**o sa Filipino na sina G. Romnick P. Ga at Gng. Wenefreda P. Pableo, naging matagumpay at makabuluhan ang pagdiriwang. Ang kanilang dedikasyon, kasama ang suporta ng mga magulang, g**o, at opisyales ng barangay, ay nagpatunay na ang wika ay tunay na nagbubuklod—isang sining ng pagkakaisa na hindi kailanman mawawala sa puso ng bawat Pilipino.