23/05/2025
https://www.facebook.com/share/16osMD1d6J/
BAYANING PULIS: BILIS AT MALASAKIT, BUHAY ANG INILIGTAS
Kasunod ng direktiba ng Pangulong Ferdinand R Marcos Jr na paigtingin ang makataong pamahalaan at tiyakin na bawat kilos ng gobyerno ay tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan, patuloy na isinasabuhay ng Philippine National Police ang tunay na diwa ng serbisyong publiko. Nitong Mayo 18, 2025, tatlong pulis mula sa Salcedo Municipal Police Station (MPS), Ilocos Sur ang nagpamalas ng kahanga-hangang bilis ng aksyon at malasakit na posibleng nakapagsalba ng isang buhay.
Agad na rumesponde sina Police Staff Sergeant Darcy C. Gironella, Police Staff Sergeant Henry S. Quemado, at Patrolman Keng Jin A. Mayo sa panawagan ng tulong ng Punong Barangay ng San Gaspar, Salcedo. Isang residente ang nawalan ng malay at kailangang madala kaagad sa pagamutan. Hindi nag-atubiling tumulong ang mga pulis, isinakay ang pasyente sa police mobile patrol, at mabilis na isinugod sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas.
Ang kanilang maagap at taos-pusong tugon ay patunay ng matatag na paninindigan ng PNP sa makataong pagpupulis na inuuna ang buhay at dangal ng bawat isa. Ang kanilang ginawa ay sumasalamin hindi lamang sa propesyonalismo kundi lalo na sa kahalagahan ng empatiya sa hanay ng kapulisan.
Pinuri ni Chief PNP, Police General Rommel Francisco D. Marbil, ang nasabing mga pulis at sinabing: “Ang ganitong gawa ng malasakit at maagap na tugon ng ating mga pulis ay sumasalamin sa uri ng PNP na ating patuloy na binubuo—isang organisasyong kumikilos agad, naglilingkod nang may puso, at tunay na may malasakit sa kapakanan ng bawat Pilipino.”
Muling pinapaalala ng pangyayaring ito na higit pa sa tungkulin ng pagpapatupad ng batas, ang mga pulis ay una ring tumutugon sa oras ng sakuna, katuwang ng komunidad, at tagapangalaga ng buhay. Sa patuloy na pagpapatupad ng reporma ng PNP sa ilalim ng adhikain ng Bagong Pilipinas, ang mga ganitong makabuluhang halimbawa ay nagsisilbing gabay tungo sa isang mas matatag, mas pinagkakatiwalaan, at mas makataong kapulisan.