01/06/2026
PAGDIRIWANG NG 443rd AGGAO NAC CAGAYAN, OPISYAL NANG BINUKSAN NGAYONG UNANG ARAW NG HUNYO; PAYAK AT MAKABULUHANG SELEBRASYON, TAMPOK NGAYONG TAON
Opisyal nang binuksan ngayong araw, Hunyo 1, 2026, ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang payak ngunit makabuluhang selebrasyon ng ika-443rd Aggao Nac Cagayan sa Kapitolyo, Lungsod ng Tuguegarao, bilang paggunita sa mayamang kasaysayan, kultura, at pagkakaisa ng mga Cagayano.
Ang Aggao Nac Cagayan ay taunang selebrasyon ng lalawigan bilang paggunita sa pagkakatatag ng sibil na pamahalaan ng lalawigan. Ngayong taon, isang simple, ngunit makabuluhan at makasaysayang pagdiriwang ang inihanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay at Bise Gobernador Manuel Mamba.
Nagsimula ang paglunsad ng selebrasyon sa isang misa na pinangunahan ni Rev. Father Severino Bariuan sa Commissary Building sa Kapitolyo ng Cagayan. Sinundan naman ito ng isang simpleng programa na pinangunahan mismo ng Ama ng Lalawigan kasama si Bise Gobernador, 1st District Board Member Atty. Romeo Garcia, Enrile Mayor Miguel Decena, Atty. Mabel Villarica-Mamba, PGC Events at Aggao Nac Cagayan Steering Committee Chairperson; Atty. Maria Rosario Mamba- Villaflor, Provincial Administrator; department heads at consultants, at mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan.
sang mensahe ng pagbati sa pagbubukas ng pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan ang ibinahagi ni Atty. Villarica-Mamba sa lahat. Aniya, ang diwa ng pagkakatatag ng lalawigan ay hindi sa karangyaan o kapayakan na pagdiriwang, kundi sa nilalaman ng puso ng bawat Cagayano.
“Pinili ng PGC na makiisa at makisimpatiya sa buong Pilipinas at sa sambayanang Pilipino. Pinili nating maging ‘consistent’ at sumunod sa mga polisiya upang mapatibay natin ang ating mga paalala sa ating kababayan na magtipid at umiwas sa gastusin. Patuloy nating ipakita ang malasakit, kalinga, at pagmamahal sa mga Cagayano hindi lamang ngayong Aggao Nac Cagayan, kundi sa pang-araw-araw na buhay,” dagdag pa ni Atty. Villarica-Mamba.
Samantala, sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan, binigyang-diin ni Gob. Aglipay ang tatlong mahahalagang salita na nagpapakita ng pagmamahal sa ating lalawigan at sa mga Cagayano: Faithfulness, Fruitfulness, at Forgiveness.
Aniya, patuloy sana nating ipakita ang ating katapatan sa probinsiya sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa interes ng Cagayano. “As leaders of the province, we must continue to serve the people. This is our mission given by God. In everything that we do, we should be fruitful. And for a united Cagayan, we should learn to forgive. As the Father of the province, I will always be here to serve and protect you.
Sinambit naman ni Bise Gob. Mamba na sa gitna ng nararanasang krisis sa buong mundo at sa bansa, may nakikitang mga oportunidad at pag-asa sa para sa Cagayan. “Let us turn this into an opportunity to be closer to one another, to rethink why are like this, and to strengthen our relationships,” sambit niya.
“In Cagayan, we can bring out the best in us by finding alternative solutions. Like the Governor’s message, we must we faithful and fruitful. We started right. We made what is Cagayan today, therefore we must continue to reinvent. Pinaghirapan natin ito, let us continue to improve. Magsama-sama tayo. Let us continue to inspire one another. Happy 443rd Aggao Nac Cagayan!” pagtatapos ni Bise Gob. Mamba.
Sa pagsasalaysay naman ni Niño Kevin Baclig, ang Curator ng Cagayan Museum and Historical Research Center sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan, ibinahagi niya na ang panlalawigang piyesta ng Cagayan ay unang ipinagdiwang noong 1971 sa pamumuno ni dating Gobernadora Teresa Dupaya at dating idinaraos tuwing linggo ng Agosto 12-16. Tampok dito ang iba't ibang aktibidad tulad ng parada, patimpalak ng mga Binibining Cagayan, cultural performances, at mga agricultural exhibit.
Ipinagpatuloy naman ni dating Gobernador Justiniano Cortez ang pagdiriwang na ito sa ilalim ng kanyang administrasyon. Sa isang pagbisita sa Maynila noong unang bahagi ng 1983, nakatanggap si Gob. Cortez ng mahalagang impormasyon mula sa mga opisyal ng Philippine Historical Commission hinggil sa pagtatatag ng sibil na pamahalaan ng Cagayan. Ayon sa mga opisyal, ang Cagayan ay itinatag noong taong 1583.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Gob. Cortez sa mga Cagayano ang mahalagang impormasyon mula sa komisyon at iminungkahi na ang pagtatatag ng sibil na pamahalaan ng Cagayan ay gunitain at ipagdiwang sa taong iyon, 1583, lalo pa't ito ang nagmamarka ng ika-400 anibersaryo. Gayunpaman, dahil walang tiyak na araw at buwan na ipinapakita sa mga dokumento, nagkasundo ang mga opisyal ng lalawigan na idaos ang pagdiriwang mula Hunyo 23-29.
Ang isa pang natatanging bahagi ng pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan ay ang pagpapalabas ng Executive Order No. 2420 ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. na nagdedeklara na ang Hunyo 29 kada taon ay isang special non-working holiday sa lalawigan.
Ngayong taon, nagpapatuloy ang pagdiriwang sa kasaysayan ng Cagayan sa pangunguna ng mga kasalukuyang opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Nagpatuloy naman ang pagbubukas ng 443rd Aggao Nac Cagayan celebration ngayong araw sa isang zumba exercise.
Ang selebrasyon ng makasasayang pagdiriwang na ito ay magpapatuloy sa pagsasagawa ng ilang mga aktibidad sa buwan na ito kabilang dito ang coastal clean-up drive (Hunyo 8), tree-planting sa Sub-capitol, Lal-lo (Hunyo 11), job fair sa LGU Camalaniugan (Hunyo 16), bloodletting sa Kapitolyo ng Cagayan (Hunyo 18), job fair sa Kapitolyo ng Cagayan (Hunyo 23), at misa sa Metropolitan Cathedral sa Tuguegarao City sa araw mismo ng anibersayo ng lalawigan (Hunyo 29). (Mia Baquiran)