11/05/2026
𝗦𝗲𝗮𝗳𝗮𝗿𝗲𝗿 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝘀𝘂𝗴𝗮𝘁𝗮𝗻: 𝗺𝗮𝗮𝗮𝗿𝗶 𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗻𝗮𝗴𝗼𝘁 𝗽𝗮𝘁𝗶 𝗮𝗻𝗴 𝗼𝗽𝗶𝘀𝘆𝗮𝗹 𝗻𝗴 𝗿𝗲𝗰𝗿𝘂𝗶𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗮𝗴𝗲𝗻𝗰𝘆?
Dear CELO,
Ako po si Marco, isang dating overseas seafarer na kinuha ng isang manning agency upang magtrabaho sa isang barko bilang electrician. Habang ako ay nasa barko, ako ay nasugatan sa balikat habang ginagampanan ang aking tungkulin.
Pagbalik ko sa Pilipinas, ginamot ako ng doctor ng kompanya. Sinabi niya na kailangan ko ng therapy. Ngunit makalipas ang ilang buwan, sinabi rin niyang ako raw ay “fit to work” na at itinigil ng kompanya ang aking sickness allowance.
Dahil patuloy pa rin ang aking nararamdamang sakit, nagpasya akong kumonsulta sa ibang doktor na nagsabing hindi pa ako maaaring bumalik sa trabaho. Humingi rin ako ng third doctor evaluation, ngunit hindi ito pinayagan ng agency.
Dahil dito, nagsampa ako ng reklamo upang makuha ang aking disability benefits. Nais ko lamang malaman kung maaari bang managot hindi lamang ang kumpanya kundi pati ang mga opisyal nito?
Maraming salamat.
Lubos na gumagalang,
Marco
***
Dear Marco,
Maaaring managot hindi lamang ang manning agency kundi pati ang mga opisyal nito.
Isinasaad ng Section 10 ng Republic Act No. 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, na kapag ang recruitment o manning agency ay isang korporasyon, ang mga opisyal at direktor nito ay maaaring managot nang solidarily para sa mga money claims ng mga overseas Filipino workers.
Sa kasong Parce vs Magsaysay Maritime Corporation, et.al (G.R. No. 241309, 13 October 2025), pinagtibay ng Korte Suprema na maaaring panagutin ang isang corporate officer na lumagda sa kontrata at kinilala bilang kinatawan ng kumpanya. Ibig sabihin, maaaring singilin ang opisyal para sa buong halaga ng benepisyo kung hindi ito mabayaran ng kompanya.
Ipinaliwanag din ng Korte na bagama’t karaniwang hiwalay ang personalidad ng korporasyon sa mga opisyal nito, may exception ito kapag malinaw na itinatakda ng batas ang kanilang magkakabit na pananagutan, tulad sa RA 8042.
Dahil dito, kung ikaw ay napatunayang may karapatan sa disability benefits, maaaring papanagutin hindi lamang ang agency kundi pati ang mga responsable nitong opisyal.
Nawa’y nakatulong ang nasabing payo.
Gumagalang,�
CELO
( Paalala: Ang impormasyong ito ay pang-edukasyon lamang. Pinapayuhan po naming kayong mag-konsulta pa rin sa mga ganap na abogado para sa legal na payo sa inyong kaso. )
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay face-to-face, free legal consultation mula Lunes hanggang Biyernes (maliban kung holiday) 2:00 hanggang 4:00 ng hapon sa 4th flr ng Taguig City Hall.
Limitado po ang slots. Kaya habang maaga, mag-book na po ng appointment. Hanapin lang po ang "Book now" button sa may itaas ng City Executive Legal Office (CELO) FB Page.
,