04/04/2026
PNP AT PCG, SINAGIP ANG TATLONG MENOR DE EDAD SA MALALAKAS NA ALON SA APARRI
Sa gitna ng malalakas na alon at bantang kapahamakan, tatlong kabataang inanod ng dagat ang nasagip mula sa tiyak na panganib—patunay na sa oras ng emergency, ang agarang aksyon ang nagliligtas ng buhay. Sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy na ipinapakita ng Philippine National Police ang malasakit at kahandaan nito sa pagprotekta sa mamamayan.
Noong Abril 1, 2026 sa Aparri, Cagayan, mabilis na tumugon si Police Staff Sergeant Allan Ricardos ng Aparri Police Station kasama ang mga personnel ng Philippine Coast Guard nang tangayin ng alon ang tatlong menor de edad habang nagsu-surfing. Sa kabila ng delikadong sitwasyon sa karagatan, mabilis na kumilos ang mga rescuer upang mailigtas ang mga bata. Sa kanilang dedikasyon at pagsisikap, matagumpay na naiahon ang mga biktima at naibalik nang ligtas sa kanilang mga pamilya.
“This operation shows how important readiness and courage are in saving lives during critical moments,” pahayag ni PGEN Nartatez. “Hindi kami mag-aatubiling tumulong kapag may nalalagay sa panganib. Tungkulin naming siguraduhin ang kaligtasan ng bawat isa.”
Ang insidenteng ito ay sumasalamin sa patuloy na pagsasabuhay ng PNP Focused Agenda—isang direksyon ng pagbabago na naglalayong gawing mas makabuluhan at epektibo ang serbisyo ng kapulisan—kung saan nangingibabaw ang Enhanced Managing Police Operations bilang mahalagang sandigan sa mga ganitong sitwasyon. Sa pakikipagtulungan sa Philippine Coast Guard at sa suporta ng komunidad, mas napapalakas ang kakayahan ng mga awtoridad na tumugon sa mga insidente sa baybayin.
“Our personnel are always prepared to respond to emergencies and protect those in danger,” dagdag pa ni PGEN Nartatez. “Sa ganitong pagkakataon, mahalaga ang mabilis na aksyon para maiwasan ang mas malalang sitwasyon.”
Patuloy na pinaaalalahanan ng PNP ang publiko na maging maingat sa pagpunta sa mga baybayin at sumunod sa mga safety advisories, lalo na kung may banta ng malalakas na alon. Hinihikayat din ang agarang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa oras ng emerhensiya upang maiwasan ang kapahamakan.
Sa bawat pagliligtas ng buhay, pinagtitibay ng PNP ang pangako nitong magsilbi at magprotekta sa sambayanan tungo sa bisyong: “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
(PNP-PIO)