12/04/2026
𝗧𝗶𝗿𝗲 𝗣𝗮𝘁𝗵 𝗣𝗿𝗼𝗷𝗲𝗰𝘁 𝘀𝗮 𝗦𝗶𝘁𝗶𝗼 𝗠𝗮𝗻𝗴𝘂𝗱𝗮, 𝗢𝗽𝗶𝘀𝘆𝗮𝗹 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗜𝘁𝗶𝗻𝘂𝗿𝗻-𝗢𝘃𝗲𝗿; 𝗟𝗶𝗯𝗿𝗲𝗻𝗴 𝗕𝗶𝗴𝗮𝘀, 𝗜𝗽𝗶𝗻𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗴𝗶 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗥𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁𝗲
Matagumpay na isinagawa ang turn-over ceremony ng Tire Path Project sa Sitio Manguda, Barangay Itaw, bilang bahagi ng patuloy na pagpapaunlad ng imprastraktura sa bayan ng South Upi.
Ang naturang proyekto ay bunga ng pagtutulungan ng Tanggapan ni MP Froilyn T. Mendoza at ng Lokal na Pamahalaan ng South Upi sa pangunguna ni Mayor Helen B. Padua. Layunin nitong mapabuti ang akses ng mga residente, lalo na sa pagbiyahe at pagdadala ng mga produkto mula sa komunidad patungo sa pamilihan.
Kasabay ng programa, nagsagawa rin ng pamamahagi ng bigas para sa mga residente ng Sitio Manguda bilang agarang tulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang iba’t ibang opisyal at kinatawan ng pamahalaan, kabilang sina MDRRMO Department Head Sir Michael B. Bibaocho, Municipal IPMR Edgardo D. Calantungan Jr., Chief of Police PLt. Albert F. Alarde ng South Upi MPS-PNP, mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), si Ronie C. Ampok na Private Secretary to the Mayor, mga konsehal ng BLGU-Itaw, at mga kawani mula sa Tourism Division.
Sa pahayag ng lokal na pamahalaan, bagama’t simple ang programa, malaki ang maitutulong nito sa komunidad—lalo na sa pagpapadali ng transportasyon at pagbibigay ng kaunting ginhawa sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng bayan sa pakikiisa at suporta ng mga residente, na patuloy na katuwang sa mga programang pangkaunlaran.
Patuloy ang pagpapatupad ng mga proyektong nakatuon sa kapakanan ng mamamayan, bilang patunay ng dedikasyon ng Lokal na Pamahalaan ng South Upi na mapabuti ang kalidad ng buhay at kabuhayan ng bawat pamilyang naninirahan sa nasabing bayan.